Balik biyahe na ang mga barko sa Bicol matapos na muling payagan ng Philippine coast Guard base sa advisory nito kaninang alas dos ng madaling araw.
Ito’y matapos kanselahin ang mga biyaheng dagat sa iba’t ibang pantalan sa Bicol dahil sa bagyong #PaengPH simula noong Huwebes, Oktubre 27.
Alas otso ngayong umaga ay may isang barko na sa Matnog Port ayon kay Achilles Galindes ng Matnog Philippine Ports authority.
Ilang pasahero at mga sasakyan na rin papuntang Visayas ang nakapila na simula kagabi nang magpapasok na ang PPA kasunod ng pagbuti ng panahon sa Bicol.
Ayon pa kay Galindes, higit dalawang libo na mga pasahero ang nabilang nila kahapon habang nasa 700 naman na mga sasakyan ang nakapila papuntang Visayas.
Uunahin raw munang pasakayin ang mga bus para mabawasan rin ang mga stranded na pasahero. Depende rin daw sa bilis ng pagdating at pag-alis ng barko kung kayang maisakay ngayong araw ang lahat ng mga nakapilang pasahero at sasakyan.
Inaasahan pa ang pagdami ng mga biyahero na uuwi para sa undas.
Paalala naman ng Matnog PPA sa mga biyahero, mandatory pa rin ang pagsuot ng face mask sa public transport at kasama rito ang mga sasakyang pandagat.
Sa ngayon, lifted na ang storm signal sa kalakhan ng Bicol maliban na lamang sa Camarines Norte at northwest portion ng Camarines Sur.
Photo: Matnog PPA