Ibibida ng Department of Trade and Industry (DTI) Albay ang 40 Micro, Small, and Medium Enterprises (MSME) ng probinsya sa ‘Saod’ Albay Trade and Travel Fair na gaganapin sa Shangri-La Plaza, Mandaluyong Metro Manila sa darating na Nobyembre 25-30, 2022.
Layunin ng gawaing ito na mas makilala at mapalawak ang mga tumatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga MSME.
Tampok sa trade and travel fair na ito ang mga handicraft, fashion bags, house wares, gift items, at home decors na gawa ng mga Albayano. Bukod rito, ibibida rin nila ang mga tanyag na pagkain sa Albay katulad ng longanisa de Guinoobatan, pinangat, at sili ice cream.
Ipapakita din sa travel and trade fair na ito ang kultura at kakayahan ng mga Albayano sa paggawa ng basket, paghahabi, at pottery gayundin ang iba’t ibang produkto mula sa niyog sa Albay Artisan Village sa ground floor ng Shangri-La Plaza.
Hinihikayat naman ng DTI Albay ang mga MSME na makilahok sa mga programa at gawain nila upang mas makilala ang kanilang mga produkto.
Matatandaan na nitong Mayo 18-22, 2022 naging matagumpay ang unang paglulunsad ng DTI Albay ng ‘Saod’ Trade Fair sa isang mall sa Legazpi City. I via Jona Bagayawa