Masbateña, top 1 sa 2025 Licensure Examination for Fisheries Professionals

Nanguna si Jonalyn Maestrado Dalanon na tubong Brgy. Cawayan Interior, Masbate City sa 2025 Licensure Examination for Fisheries Professionals matapos makakuha ng 91.25 percent rating.

Nag-aral siya sa Batingue High School sa Masbate City at nagtapos bilang magna cum laude sa kursong Bachelor of Science in Fisheries sa Cebu Techological University – Carmen Campus, Cebu, City taong 2024.

Bilang anak ng mangingisda, nabigyan si Dalanon ng pagkakataong maging scholar ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Bicol.

Kwento ni Dalanon, isa sa mga naging paraan nya upang ihanda ang kaniyang sarili sa eksaminasyon ay ang pamamahala nang maayos sa kaniyang oras. Lagi rin siyang nagbabasa ng kaniyang mga review notes na kaniyang idinikit sa haligi ng kaniyang boarding house.

Kahit pagod at puyat, hindi ito naging hadlang at ipinasa niya sa Diyos ang lahat.

Hindi niya rin inaasahan na mangunguna siya sa naturang eksaminasyon.

“Alam ko po noong una na impossible po talaga na top 1 talaga based sa performance ko sa mentoring program na nasalihan ko. I only aimed for any spot po lower sa top 1. Kaya po noong nalaman ko na top 1 po ako, panay po ako iyak at nag-uumapaw po talaga ang saya ko,” saad pa ni Dalanon.

Aniya, ang kursong Bachelor of Science in Fisheries ay hindi katulad ng iniisip ng iba na pangingisda lamang lalo na’t maraming Pilipino ang umaasa sa pangingisda para sa pang araw-araw na pagkain at kabuhayan.

Lubos na ikinararangal ni Dalanon ang maging isang fisheries professional na tutulong sa pagpapanatili at pagpapaunlad sa sektor ng pangisdaan.I Story by Jonathan Morano

Author

Share