Ni Gabriel Earl Mariscotes/GIKAN
Ginagambala gabi-gabi si Gian Valladolid, 19, ng patak ng tubig mula sa butas ng kanilang yero, habang iniinda ang pangamba sa mga pinsalang maaaring idulot ng mga paparating na bagyong kanyang nababalitaan.
“Napakasakit nun [kapag malakas ‘yong bagyo]… Hindi ka makakapagtrabaho,” takot niya na baka muling mawalan ng kabuhayan sa pagsasaka ang kanilang pamilya sa Barangay San Vicente, sa bayan ng Libon sa probinsya ng Albay.
Kapag may bagyo, nauubusan si Valladolid ng mga opsyon kung paano siya makakahanap ng kita upang may maihain sa kanilang hapag-kainan sa mga susunod na araw.
Para kay Eddie Sedanto, 45, mula sa Barangay Burabod, malaking gulo sa kanyang isipan kung paano matutustusan ang pag-aaral ng kanyang mga anak tuwing napipinsala ang mga palayan.
“Kaming mga magsasaka, talagang ninenerbyos kaming sobra kasi sobrang baba na ng presyo ng palay ngayon tapos mahal pa ng mga abono, mahal ang pang-ispray at kung babagyuhin pa ‘yong mga pananim, madisgrasya… wala na kaming puhunan sa susunod,” ani Sedanto.
Aniya, palubog na ang pagsasaka at maging sa kanyang mga anak ay hindi niya na ito inirerekomendang tahakin.
Kilala ang Libon bilang “Rice Granary of Albay,” isang bayan sa rehiyon ng Bicol kung saan tinatayang 4,000 ektarya o halos 18 porsyento ng kabuuang lupain nito ay nakalaan sa pagtatanim ng palay na taon-taong nakakapag-ani ng higit 30 milyong kilo para sa buong bansa.
Karamihan sa mga residente rito ay umaasa sa pagsasaka bilang pangunahing kabuhayan.

‘Eco-anxiety’
Ayon kay Marlene Leoparte, isang clinical psychologist sa Serene Minds, maaaring nakararanas ang mga magsasaka ng “eco-anxiety,” isang uri ng pag-aalala, pagkabahala, takot, o emosyunal na stress dulot ng mga pagbabago sa kapaligiran at klima, pati na rin ng mga posibleng negatibong epekto nito sa hinaharap.
“Sa konteksto ng mga magsasaka… ang pag-aalala sa kinabukasan, katulad ng paano makabawi kung masira ulit [ang pananim], paano masusustentuhan ang pamilya, ay bahagi ng eco-anxiety,” saad niya.
Dahil madalas silang direktang tinatamaan ng mga unos o paulit-ulit na mga panganib, maaaring maging “background stressor” ang pagbabago ng klima sa kanilang isipan.
“Bawat bagyo o pinsala sa ani ay karagdagang pasanin sa [kanilang] emosyonal na antas. Kapag hindi nakabawi nang tuluyan, nagiging akumulado ang takot at kawalan ng katiyakan,” saad ng psychologist.
Dahil dito, hinimok niya ang gobyerno na pagtuunan ng pansin ang pangkabuuang kalusugan ng mga magsasaka dahil kapos o halos wala pang mga programang ibinibigay sa lokalidad na nakaangkla sa pagtugon sa “eco-anxiety.” Aniya, dapat magkaroon ng bahagi sa bawat proyekto ng mga barangay at lokal na pamahalaan ang basic psychosocial first aid training.

Estado ng mental na kalusugan ng mga magsasaka
Sa isang pag-aaral ngayong taon, lumabas na humigit-kumulang 40 porsyento ng mga magsasaka mula Luzon ang nakakaranas ng “sobra-sobrang pag-aalala” na kaugnay ng pabago-bagong panahon, kalagayan ng kapaligiran, at ekonomiya.
Ayon sa isang analytical cross-sectional study ni Har-li Young, kasama ang iba pang mga eksperto, na pinamagatang “Factors Associated with Anxiety Symptoms among Filipino Farmers in Central Luzon,” tinukoy din ang iba pang sintomas gaya ng “pagka-nerbiyos” na may halos 32 na porsyento at “pagka-iritable” na may 26.5 na porsyento, na karaniwang mga tugon sa stress.
Napag alaman na ang mga magsasakang may iniindang karamdaman ay mas bulnerable ng hanggang sampung beses sa panganib ng pagkakaroon ng mga nasabing sintomas, habang ang presyur mula sa pamilya naman nang anim na beses.

Peligro
Mas lumala ngayong “ber months” (buwan mula Setyembre hanggang Disyembre) ang takot ng mga magsasaka dahil ito ang mga buwan kung saan tumatama ang maraming bagyo sa bansa.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), kabilang ang Oktubre sa mga buwan ng peak season kung kailan halos 70 porsyento ng mga bagyo para sa buong taon ang nabubuo.

Matatandaang naitala ng gobyerno na higit P707 milyon ang kabuuang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura sa Albay, dulot ng pinagsamang epekto ng Bagyong Kristine at Leon na nanalasa mula huling bahagi ng Oktubre hanggang unang linggo ng Nobyembre 2024, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa labis na pag-aalala, madalas kapitan ng pabugso-bugsong sakit ng ulo si Antonette Llamasares, 18, magsasaka mula sa Barangay San Vicente dahil sa pag-aalala lalo na’t papalapit nanaman ang kapaskuhan.
“Mabigat sa pakiramdam. Mag-iisip ka kung paano na ‘yon… kasi ‘yong mga bagay-bagay, wala na,” saad ni Llamasares.

Hanggang ngayon, hindi pa rin lubos na nakakabangon si Sedanto mula sa trauma ng Bagyong Sisang—isa sa pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng bansa noong 1987 na kumitil ng hindi bababa sa 808 na buhay at nagdulot ng mahigit P1.1 bilyong halaga ng pinsala.
“Talagang [walang-wala] dito sa amin. ‘Yong mga residente dito sa farm wala na talaga nakuha. Grabe ‘yong tubig, ‘yong hangin. Matagal naka-recover…lalo na ‘yong mga pananim na palay,” kwento niya.
Dahil dito, agad silang lumilikas ng kanilang pamilya upang maiwasan ang muling pagbalik ng takot sa kanilang buhay tuwing may paparating na bagyo.
Pansin ni Wilfredo Bonaobra Jr., federation president ng 4-H (Head, Heart, Hands, and Health) Club na nakabase sa Albay, na ang ilang magsasaka sa lalawigan ay napipilitang iwanan ang kanilang kinagisnang kabuhayan upang maghanap ng mas maayos na trabaho nang dahil sa pangamba at kakulangan ng suporta.
“Madalas na natatagalan ang tulong mula sa pamahalaan, at bagaman may dumarating… hindi nito lubos na natutugunan ang pangmatagalang epekto. Kailangan pa ring magsimula muli ng mga magsasaka magtanim ulit, magpatayo muli, at humanap ng paraan upang mabuhay hanggang sa susunod na anihan,” iginiit niya.
Ang kanilang organisasyon ay matagal nang nagbibigay ng ligtas na mga espasyo para sa mga Albayanong magsasaka, lalo na sa kabataan, upang maibahagi nila ang kanilang mga karanasan, magtulungan, at mapalaganap ang mga makabagong kasanayan sa pagsasaka.

‘Psychological support’
Ayon kay Sandy Bobier, isa sa mga tagapagsalita ng disaster risk reduction (DRR) unit ng Department of Agriculture Bicol, ang mental health at stress management ay hindi saklaw ng ahensya, ngunit may mga hakbang silang ginagawa upang masiguro ang kapakanan ng mga magsasaka.
Saad niya, mayroon silang kasunduan sa non-governmental organizations tulad ng Integrated Rural Development Foundation at University of the Philippines Los Baños Foundation, Inc., upang magbigay ng psychological support, counseling, and stress debriefing sa mga magsasaka na nakakaranas ng emosyunal na pagsubok.
Maliban dito, binanggit din niya ang ilan sa mga ayuda at pautang na maaaring mapakinabangan ng mga magsasaka, gaya ng rice farmers financial assistance at ang survival and recovery program, kung saan maaaring makautang ng hanggang P25,000 na may zero percent interest rate ang mga naapektuhan ng sakuna.

Solusyon
Sa gitna ng kakulangan ng mga psychological at mental health services sa bansa, inirekomenda ni Leoparte ang pagpapatupad ng community-based initiatives na layuning tumulong sa mga magsasakang nakakaranas ng matinding takot o pangamba.
Madaling akses sa tele-mental health o mobile counseling ang kailangan, lalo na sa mga lugar na bihira magkaroon ng mental health professionals.
“Integrasyon ng mental health sa DRR at climate adaptation plans sa bawat proyekto ng rehiyon o munisipalidad,” ani Leoparte.
Dagdag pa rito, dapat magkaroon ng pagma-mandato ng pagdagdag ng mga polisiyang naka-sentro sa pag-agapay sa mental na kalusugan ng mga magsasaka.
Nagbabala si Leoparte na kung hindi matutugunan ang ganitong suliranin, maaaring makaranas ang mga magsasaka ng generalized anxiety disorder, depresyon, mas mataas na tiyansang magkaroon ng comorbid mental health issues gaya ng mal-adaptive coping behaviors tulad ng labis na pag-inom o paggamit ng bisyo, at iba pang mga sakit na posibleng makaapekto sa kanilang pamumuhay.