Para sa mga mamamahayag, ang makatanggap ng pagkilala mula sa gobyerno sa gitna ng pagtugis ng katotohanan ay isang karangalan—patunay ito ng lehitimong entidad sa kabila ng mga nagbabalat-kayong “midya.”
Noong Miyerkules, Disyembre 4, 2024, matapos ang metikulosong proseso sa pagpili ng mga nominadong media practitioners sa Bicol, dalawang mamamahayag ang pinarangalan sa Bayanihan Media Awards 2024 na ginanap kasabay ng 4th Quarter Regional Development Council (RDC) full council meeting sa Talisay, Camarines Norte.
Ang BicoldotPH, isang independent media na nabuo matapos magsara ang TV Patrol Bicol, ay pinarangalan bilang “Best Volunteerism Reporting in Online Media” sa kategoryang online media agency. Napili ang BicoldotPH dahil sa mga ulat nitong tumatalakay hindi lamang sa bolunterismo kung hindi sa cultural preservation, animal welfare, climate change at tourism development sa rehiyon.
Ilan sa mga kinilalang artikulo ng BicoldotPH ay ang news feature article na “Built to Last: A Disaster Resilient Home Made by a Bicolano” na tumatalakay sa prototype models na “cuboid” na gawang Bikolano kung saan nananatiling matatag ang gawang bahay sa kabila ng mga kalamidad. Kasama rin ang feature article na “Beacon of Hope: Collective Efforts to Protect Whale Sharks in Donsol” na tumatalakay naman sa inisyatiba upang protektahan ang mga butanding sa Donsol na tinaguriang “butanding capital of the Philippines.”
Gayunpaman, ang BicoldotPH mismo ay kuwento ng isang bolunterismo sapagkat ang mamamahayag at manunulat na nasa likod ng ahensya ay pawang mga volunteers na pinagtagpo dahil sa pasyon sa pagsusulat ng mga kuwentong nagbibigay inspirasyon sa kapwa.
Samantala, pinarangalan din bilang “Best Volunteerism Reporting in Online Media” sa individual category si Professor Gladys Serafica, ang chairperson ng Journalism Department ng Bicol University College of Arts and Letters (BUCAL) dahil sa kaniyang mga istoryang may kabuluhan gaya ng “Apo Whang-od’s doctor on how to be an everyday hero” at “How PH’s 1st village scouting unit transformed an entire community”.
Isa rin sa mga paboritong kuwentong pumukaw sa publiko ay ang kaniyang artikulong “More than aesthetics: How arts help heal the trauma of storm survivors” na umiikot sa isang Albayano artist at ang kaniyang isinagawang art intervention para tulungan ang mga batang biktima ng pananalasa bagyong Kristine sa Brgy. Masarawag, Guinobatan, Albay.
Samantala, sa Search for Outstanding Volunteers, nakatanggap sina James Nathaniel Refugio, Ma. Lourdes Velasco at ang Rotary Club of Hiyas ng Manila.
Ito na ang ikalawang taon ng BMA na layuning bigyan ng pagkilala ang mga media practitioners na nagsusulong ng bolunterismo sa pamamagitan ng kanilang iba’t ibang platforms. Nabuo ang BMA noong 2023 sa pamamagitan ng inisyatiba ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA).