Ngayong Sabado, Setyembre 21, ginunita ng iba’t ibang sektor sa Bicol ang ika-52 anibersaryo ng martial law mula noong lagdaan ang proklamasyon nito ni diktador at dating presidente Ferdinand Marcos, Sr.
Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Bicol ang iba’t ibang mga aktibidad sa Albay kasama ang mga estudyante, magsasaka, kababaihan, kabataan, cultural workers, environmentalists at mga taong simbahan.
Sa halos maghapong aktibidad, isinagawa ang caravan palibot sa Legazpi City, misang bayan, cultural night at film showing, parangal sa mga martir ng martial law, at candle lighting.
“Mahalaga na taun-taong ipaalala at ginugunita natin ang martial law para ‘di mawala o mabaluktot ang mga tunay na kaganapan noong panahon ni Marcos, Sr., lalo na sa panahon ngayon ni Marcos, Jr., na talamak ang historical revisions na ginagawa,” saad ni Jen Nagrampa, ang chairperson ng BAYAN Bicol, sa panayam ng BicoldotPH.
Totoong tao sa likod ng mga numero
Ang panahon ng batas militar sa ilalim ng administrasyong Marcos, Sr., ay maituturing na pinakamadilim na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sa datos na inilabas ng BAYAN Bicol, umabot sa 3, 257 ang biktima ng extrajudicial killings (EJKs) o ‘summary executions’, 35,000 ang dokumentadong kaso ng tortyur, 737 desaparecido, at 70,000 ang ikinulong.
Saad ng grupo, sinuportahan umano ng Estados Unidos ang martial law ni Marcos, Sr., upang masigurong napanatili ang imperyalistang interest ng US sa bansa.
Iniluklok naman sa puwesto ang mga malalapit na kaibigan ni Marcos, Sr., kaya’t lumaganap din ang “crony capitalism” sa pambansang ekonomiya ng Pilipinas.
Sa buong panahon ng administrasyong Marcos, Sr., ang kabuuang nakaw na yaman ay tinatayang umabot sa US$10 billion. Tinagurian itong “Greatest Robbery of a Government” ng Guinness World Records (GWR).
Samantala, ayon sa BAYAN Bicol, ang mga dokumentadong kaso ng paglabag sa international human rights laws at international humanitarian law sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Marcos, Jr., ang anak ng dating diktador Marcos, Sr., ay umabot na sa sa 155 EJKs, 145 iligal na inaresto, 16 desaparecidos, 42,426 pwersahang pinalikas at 44,065 biktima ng pambobomba sa loob ng dalawang taon.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pananalasa ng NTF-ELCAC at Anti-Terrorism Act of 2020 sa porma ng red-tagging, illegal arrests, pagdukot at iba pa.
Matatandaang dinukot ang dalawang magkaibigang aktibista na sina James Jazmines, 63, at Felix “Jun” Salaveria, Jr., 66, sa Tabaco City, Albay, nitong buwan ng Agosto. Patuloy pa rin silang pinaghahanap ng kanilang mga pamilya at naniniwala silang kagagawan ito ng mga state security agencies.
Nilagdaan ni Marcos, Sr., ang Proclamation No. 1081 noong Setyembre 21, 1972, na nagpataw ng batas militar sa buong Pilipinas. Matapos ang dalawang araw, opisyal na idineklara ang batas militar noong Setyembre 23, 1972. I Nicole Frilles
Photos by The Bicol Universitarian