2 magkaibigang aktibista na dinukot sa Tabaco City, patuloy pa ring pinaghahanap ng kanilang pamilya

Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga pamilya ng dalawang magkaibigang aktibista, na kapwa rin siklista, matapos dukutin nitong buwan ng Agosto sa Tabaco City, Albay.

Unang naiulat na nawawala si James Jazmines, 63, noong gabi ng Agosto 23, pagkatapos dumalo sa 66th birthday ng kaniyang kaibigan na si Felix “Jun” Salaveria, Jr., sa isang restaurant sa Brgy. San Roque, Tabaco City.

Noong Agosto 28, naiulat namang dinukot si Felix—limang araw lamang ang nakaraan matapos mawala si James.

Sa salaysay ni Corazon Jazmines, asawa ni James, nag-alala siya matapos hindi na makatanggap ng text messages at tawag mula sa kaniyang asawa dahil mayroon silang kasunduan na tatawag dapat ito. Hindi rin umano nagpadala ng mensahe si James sa mga kaibigan noong gabi ng pagdukot na nakauwi ito nang ligtas.

Nakumpirma ni Corazon noong Agosto 26 na nawawala ang kaniyang asawa nang iulat ito mismo ni Felix.

Agad silang nagtungo sa Tabaco City upang hanapin ang kaniyang asawa at magtanong-tanong sa mga lugar na pinuntahan nito

“So, nagplano na kami na magbiyahe dito para magsagawa ng search. That was on Wednesday [August 28] morning andito na kami sa Albay para magtanong, mapuntahan yung last niyang pinuntahan, kinainan, na nagkaroon ng birthday celebration,” dagdag ni Corazon.

Samantala, sa pahayag ng panganay na anak ni Felix na si Felicia Ferrer, hindi na umano nila ma-contact ang kaniyang ama simula Agosto 28.

“Pumunta kami sa Brgy. Cobo tapos kinuwento po nila doon. Kase may nakuha pong CCTV at may mga witnesses rin po na nakakita dun sa pagdakip sa aming tatay kase 11:00 ng umaga po ‘yon. So maraming tao dun sa lugar kung saan siya nakatira at kakatapos niya palang kumain. Tapos pauwi na siya no’n no’ng merong mga lalaki at van na kumuha sa kaniya,” salaysay ni Felicia

Ayon kay Felicia, tumungo si Felix sa Tabaco City upang humanap ng lugar para sa kaniyang retirement dahil gusto nitong mamuhay sa probinsya matapos manirahan at lumaki sa Metro Manila.

Sa likod ng pagdukot

Ayon kay Atty. Tony La Viña, abogado ng mga biktima, naniniwala silang kagagawan ito ng mga state security agencies. 

“Sure kami na state security agents ang kumuha nito, hindi ko alam kung pulis militar o intel ba. For sure kami no’n kase sa mga ganitong kaso, pareho ang pattern, ‘di ba? ‘Yong surveillance sayo, pinipilit ka isakay sa van, may plate number,” saad ni La Viña.

Marami na rin umano silang nakalap na mga witnesses at CCTV footage na nagpapatunay sa nasabing pagdukot.

Sa panayam kay Police Lieutenant Colonel (PLTCOL) Edmundo Cerillo, officer-in-charge ng Tabaco City Police Station (CPS), tuloy-tuloy ang kanilang imbestigasyon simula noong Agosto 28.

“Marami na rin tayong na interview doon sa area and ‘yong mga yung plate number ng sasakyan na ginamit, nakuha rin natin and nakakuha na rin tayo ng certification sa LTO kung saan nakarehistro ‘yong plaka,” pahayag ni PLTCol. Cerillo.

Pangalawang beses na umano pumunta sa himpilan ng Tabaco CPS ang tauhan mula sa Commission on Human Rights (CHR) Bicol. Nakipagtulungan naman umano ang mga awtoridad sa CHR Bicol sa mga hinihingi nitong papeles.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paghahanap at imbestigasyon ng mga awtoridad kung saan naroroon at kung sino ang mga suspek sa likod ng insidente

James at Felix

Ang dalawang magkaibigang sina James at Felix ay kilala bilang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at kapwa mahilig sa pagbibisikleta sa kabila ng kanilang edad. 

Ang 63-anyos na si James ay isang IT consultant. Isa rin siyang labor rights defender at nagtrabaho siya sa labor group na Kilusang Mayo Uno. 

Ang 66 taong gulang naman na si Felix ay founding member ng Tunay na Alyansa ng Bayan Alay sa mga Katutubo at Karapatan para sa Tribung Pilipino. Bukod rito, isa din siyang eco waste management advocate. 

“Actually, sa totoo lang, wala akong makitang dahilan para siya (James) ay i-abduct, so ang iniisip ko kung sino man ‘yong mga kumuha sa kaniya, meron silang serious reason for him to be abducted,” panawagan ni Corazon.

Umapela naman ang pamilya Salaveria na sana matagpuan na ang kanilang ama na ligtas at nasa mabuting kalagayan.

“Ilabas niyo lang (ang mga biktima) pwede natin pag-usapan ‘yong mga accountability ninyo kung kusa niyo namang ilalabas yung dalawa (Felix at James). Ang mahalaga sa amin na ligtas, makalabas ‘yong dalawang missing,” panawagan ni La Viña.

Ang kaso ng pagdukot kay James at Felix ay isa sa mga “enforced disappearances” (desaparecidos) sa ilalim ng administrasyong Marcos. I Nicole Frilles, Vince Villar

Share