Service crew ng isang fast food chain sa Cam Sur na anak ng magsasaka, topnotcher sa CLE

Nag-uumapaw sa galing ang isang service crew sa isang sikat na fast food chain sa Pilipinas makaraang mag-top ito sa katatapos lamang na August 2024 Criminology Licensure Examination (CLE). 

Ayon sa Professional Regulation Commission (PRC), top-2 si Renier Andrian Togño, 23, na tubong Brgy. San Roque, Milaor, Camarines Sur at alumnus ng Naga College Foundation matapos makakuha ng markang 91.50 percent rating. 

Dahil kapos sa buhay, sinubukan ni Togño na pumasok bilang service crew matapos ang kaniyang graduation noong nakaraang taon upang makaipon ng perang pantustos para sa board exam. 

“Si papa po kasi ay isang farmer then si mama po, nahinto na sa trabaho…housewife po siya. Naging provider po namin si papa lang po talaga. Hindi po siya masyadong sapat,” saad ni Togño. 

Limang buwan bago ang licensure exam, sinubukan pa sanang pagsabayin ni Togño ang pagtatrabaho at pag-r-review habang papalapit ang pagsusulit ngunit nahirapan umano siya lalo pa’t katawan at oras ang puhunan. Hindi naging madali kay Togño ang pag-r-review dahil cellphone at mobile data lang ang kaniyang gamit at wala rin siyang sapat na pera para makabili ng subscription ng Wi-Fi. 

Matapos ang CLE, bumalik sa trabaho si Togño dahil ayaw umano niyang isipin masyado ang paghihintay ng resulta.

“Habang nagtatrabaho po, nafeel ko na ang bilis nalang ng oras. Then, ‘yong anxiety, hindi ko na naisip ýong board exam kasi sabi ko, ‘bahala na po kung ano ang mangyari basta makapasa lang po, okay na yan’,” sabi ni Togño.

Kagustuhan man niyang magsilbi sa publiko, hindi naman talaga pinangarap ni Togño ang maging pulis noong una ngunit kalaunan ay nagustuhan niya rin ang Criminology. 

Upang masigurong papasa siya sa CLE, gumamit si Togño ng active recall method kung saan gumawa siya ng mga flashcards gamit ang kaniyang cellphone. Gumigising din siya nang maaga para mag-browse ng kaniyang mga notes at magbasa ng mga librong nakatulong sa kaniyang kumpiyansa at motibasyon. 

Galak at inspirasyon

Sobrang galak naman ang naramdaman ng mga magulang ni  Togño dahil ito ang unang beses na magkaroon ng topnotcher sa kanilang pamilya. Proud din ang kaniyang mga katrabaho sa kaniyang tagumpay. 

Maituturing na “average student” ni Togño ang kaniyang sarili dahil hindi naman siya nagtapos sa kolehiyo bilang latin honors kung kaya’t hindi niya inaasahan na makukuha niya ang pangalawa sa pinakamataas na puwesto sa CLE.  

“‘Yong mga naging inspirasyon ko ‘yong pamilya ko lalo si mama at papa kasi nakita ko talaga ‘yong pagsasakripisyo nila sa akin. Kung paano nila naitaguyod ‘yong pag-aaral ko and sinusuportahan nila ako sa mga bagay kung saan makakatulong talaga sa akin,” sabi ni Togño. 

“Sa totoo lang hindi naman po talaga ako lumaki sa marangyang buhay. So sabi ko rin sa sarili ko na aangat din ako, eh, gusto ko rin po umangat. Gusto ko rin po mag-improve sa sarili ko po dahil ayaw kong naka-stuck sa ganitong status ng buhay ko. Gusto ko ma-experience din ng magulang ko ‘yong nakakaluwag-luwag kumbaga po.”

Ang payo ni Togño sa ibang kukuha rin ng licensure exams na magkaroon ng “routine habit” at magdasal sa Diyos. Sa ngayon, marami nang oportunidad ang pumapasok sa buhay ni Togño ngunit pag-iisipan pa umano niya nang mabuti ang magiging desisyon niya na akma sa kaniyang kapasidad at pagkakataong makakatulong siya sa iba. I Nicole Frilles

Share