Sa isinagawang consultative meeting na “Rainbow Leaders Summit 2024” kasama ang iba’t ibang lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex and asexual (LGBTQUIA+) organizations, tinalakay ang calendar of events para sa kauna-unahang opisyal na Pride Month celebration sa Albay sa darating na Hunyo ngayong taon.
Ginanap ang pagpupulong sa Proxy Hotel sa Legazpi City nitong Abril 8 na dinaluhan ni Albay Vice Governor Baby Glenda Ong-Bongao kung saan ang mga organisasyon ay nagkaroon ng pagkakataon na makapagbigay ng mga suhestiyon at opinyon hinggil sa nalalapit na selebrasyon.
Ninanais naman ni Bongao na gawin itong engrande, makulay at prestihiyoso upang lubos na mahikayat ang maraming miyembro ng LGBTQUIA+ community na makilahok.
“Actually, last year pa sana ito. Kaya lang, medyo nag-alburoto su Mayon kaya ang nangyari, [pig-cancel] gabos. So instead, nagkaigwa na lang kaming feeding program o kaya gift giving sa mga evacuees last year,” pahayag ni Bongao.
Kabilang sa opisyal na aktibidad ang isang seminar kung saan imbitado ang lahat ng LGBTQUIA+ leaders at Sangguniang Kabataan members sa 721 na barangay ng probinsya.
“Mas gusto namin na mas ma-equip at ma-empower ang mga leaders na nasa LGBTQUIA+ community…kasi kung pigtatawan ko nin atensyon an mga leaders na babae, why not sa [community na ito] para gabos pare-parehas,” dagdag ni Bongao.
Para naman sa chairperson ng United Pride of Albay (UPA) na si Nicanor Rafael Berces, isang karangalan para sa tulad nila na mabigyan ng karapatan at boses sa pagdedesisyon.
“(Ang kahalagahan ng mga aktibidad na ito’y) magbigay ng awareness, kasiyahan, [magpakita ng] magandang halimbawa sa mga kabataan at maitama ang maling pagkakakilanlan sa LGBTQUIA+,” saad ni Berces.
Ani Berces, binuo umano ang UPA upang pagsama-samahin ang mga miyembro nito at ilapit sa mga opisyales ng gobyerno ang mga kanilang mga proyekto. Nais din ng UPA na ipahayag ang kanilang adbokasiya na naglalayong makatulong hindi lamang sa mga kasapi nito kundi maging sa lahat ng Albayanos.
Samantala, inaanyayahan ni Bongao ang mga Albayano na subaybayan ang selebrasyon. Kalakip ito ng pagpapakilala sa Gender And Development (GAD) program na naglalayong bigyan ng suporta at tulong ang mga kabataan, kababaihan at mga miyembro ng LGBTQUIA+ community. | Gabby Bajaro