DAGUNDONG NG TEATRO

Pormal na binuksan ang pagdiriwang ng Pista nin Teatrong Bikolnon 2024 nitong Huwebes, Abril 4, sa isang makulay at maligalig na parada mula Bicol University grounds papuntang Albay Astrodome. Tampok rito ang 18 theater companies mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Sinundan ang parada ng opening ceremony at ang pagtatanghal ng sikat na theater play na “Higit sa Pag-ibig: The Musical” sa Albay Astrodome.

Sa temang, “Eksprés, Amplifying Urgent Calls,” mapapanood ang masining na pagtatanghal ng mga isyung panlipunan na nais bigyan ng kamulatan. Kabilang sa mga theater companies na tatapak sa entablado ay ang Sining Banwa at Dawani Project, Teatro Tabaqueño, UST-Legazpi SPA ,Tabsing Kolektib, Burabod Artists, Act Avenue, USI Concert Chorus, Cavite NHS & SHS Art Vox Club, CNSC Dulayag ,Teatro Aliento De Ateneo, Shepherd Pictures, SL Babaylan, Sangre De Naga, Sining Lila Bicol, Tanghalang Sulu, Tanghalang Artikulo at Umalokohan, Inc. 

Sa kanyang mensahe sa pambungad na programa, ikinwento ni Chris Millado, dating vice president at artistic director ng Cultural Center of the Philippines, ang kanyang karanasan na patagong magpahayag ng mensahe gamit ang teatro noong Dekada 80’s. Kanyang binigyang diin ang kakayahan ng sining na maipahayag ang katotohanan, damdamin at hinaing ng lipunan. 

“Ang ating mga dula at palabas ay siyang paraan ng likhain upang ipahayag ang katotohanan, may katuturan at makabuluhang sining, mahalagang marinig ang ating mga damdamin, hinaing at awitin lalo na ngayon malakas at kadalasa’y nakakalito ang alingasngas ng social media na may kapangyarihan na ulit-ulitin ang kasinungalingan hanggang sa tanggapin na ito bilang katotohanan.” ani ni Millado.

Ipinaliwanag niya rin ang kahalagahan ng tunog ng isang pagsasadula. Para sa kanya, ang tunog ay may dimensyon. May tunog na malakas, mahina, dumadagundong at nasa background. Ito raw ay ginagamit para sa epektibo na pagkukuwento. Hindi kailangan laging malakas at mahina ang pagpapahayag dahil minsan ay may kapangyarihang taglay ang katahimikan.

“Pabulong pero dumadagundong sa kalooban ng higit na nangailangan ng sunod-sunod na pamayanan at hindi napapansin ng mga may kapangyarihan.” sambit ni Millado patungkol sa paraan ng pagpapahayag.

Bitbit ang bawat kuwentong itatanghal sa entablado, may masining na tunog na magbibigay kamalayan sa lipunan. Matutunghayan ang dagundong ng Pista nin Teatrong Bikolnon 2024 mula April 4-6, 2024 sa Albay Astrodome. I Samantha Totanes

Photo: Cassandra Vergara

Share