Kaugnay ng paggunita ng International Women’s Day ay nagsagawa ng maliit na pagtitipon at zumba ang Bicolana Gabriela ngayong araw, Marso 8 sa Peñaranda Park, Legazpi City.
Ang nasabing aktibidad ay parte umano ng 1 billion rising movement na isang international solidarity ng mga kababaihan.
“Kaya po sayaw kasi part po siya ng movement…ang way nila ng pag-express ng kanilang resent at paglaban ay sa pag-sasayaw,” saad ni Danica Ombao, Regional director ng Bicolana Gabriela.
Aniya, naglalayon ang pagtitipong ito na ipanawagan ang mga karapatan ng kababaihan, pangkasarian, kalayaan at kaligtasan kabilang na rin ang isyu hingil sa alitan ng Israel at Palestine.
“Kasama yung main na panawagan natin na itigil ang people’s initiative at ibasura ang charter change na tinutulak ni Marcos ng Kongreso at Senado kasi hindi ito pro-people.” dagdag pa niya.
Ayon naman kay Alexandra Gonzaga, Internal Vice President ng Bicol University-Ladies in Love and Action (BU-LILA) at isa mga lumahok sa aktibidad, nahikayat ang kanilang samahan na mas isulong ang mga adbokasiya ng kanilang organisasyon.
“It gave us the glimpse of real world, yung mga issue ng kababaihan talagang mas naging aware kami and mas nabigyan kami ng pagkakataon na mas palakasin ang loob ang gustong ipaglaban ng BU LILA,” saad ni Gonzaga.
Kasama rin ng Bicolana Gabriela ang Sining Lila at Amihan Bikol sa nasabing inisyatiba.
Panawagan rin ni Ombao na nawa’y pakinggan at unawain muna sila at ‘wag i-redtag sa kanilang mga pinaglalaban at kilos-protesta sa mga lansangan.
“Para naman sa kalalakihan, sana maunawaan nila ang pinaglalaban ng kababaihan kasi unang-una, hindi kaya ng kababaihan na tayo lang ang gumalaw para sa mga karapatan na pinapanawagan natin.” pagtatapos ni Ombao. I Gabby Bajaro, Kimberly Palenzuela.