11 barangay sa Sta. Magdalena, Sorsogon, apektado ng ASF

Higit 700 na mga baboy ang na-“culled” o pinuksa sa bayan ng Sta. Magdalena, Sorsogon sa nakalipas na isang buwan, sa utos ng lokal na pamahalaan dahil sa ASF o African swine fever. Dahil rito, 238 na mga hog raisers sa nasabing bayan ang apektado sa isinagawang depopulation ng Provincial Veterinary Office at Department of Agriculture.

Ayon Myra F. Escarda, municipal agricultulturist, tatlo na lang sa 14 na barangay ng Sta. Magdalena ang hindi pa apektado ng ASF, ang San Bartolome, San Eugenio at LA Esperanza.

Nanawagan si Escarda sa hog raisers na magpatupad ng bio-security measures. Aniya dapat i-report agad sa Municipal Agriculture Office (MAO) kung may mga sintomas ng ASF ang kanilang mga alagang baboy at ang MAO naman aniya ang direktang makikipag-ugnayan sa PVO upang masuri ang mga baboy.

Pakiusap niya sa hog raisers na kung ang mga baboy ay may lagnat at mahinang kumain o kung may mga sintomas na ng ASF ay huwag na itong katayin at huwag manghinayang dahil mas maraming masasayang kung kakalat pa ang ASF.

Una ng inaprubahan ng sangguniang bayan ang MDRRMC Resolution 2 kung saan inerekomenda ang pagsasailalim ng buong bayan sa state of calamity dahil sa pinsalang dulot ng ASF.

Patuloy naman ang araw-araw na pagsasagawa ng MAO ng disinfection at pamamahagi rin ng local government untis ng mga disinfectant upang maampat ang pagkalat ng ASF.

Bukod dito, patuloy din na ipinatutupad ang mahigpit na checkpoint ng pulisya sa Sta. Magdalena upang hindi makapasok at makalabas ang kuntaminado ng ASF. l via PIA Sorsogon

Share