‘Hobbies turned into business’ ba kamo? Maaari mo nang tangkilikin ang isa sa mga pumatok na crocheting business ng isang Daragueño na tulad ng iba ay nagsimula rin sa mga maliliit na hakbang mula sa mapanghusgang lipunan.
Ang Gantsilyo Guy ay isang crochet business na pagmamay-ari ni Benidick Ogao, 23, mula sa Daraga, Albay. Nagsimula ito noong March 2023 nang magbenta siya ng ilang crocheted keychains sa Daraga Church at saka naisipang pagyabungin gamit ang social media platform na Facebook.
“Naisipan ko po siyang gawing business kasi naging hobby ko na siya at nakita ko yung way ng pag-gagantsilyo para makapagpasaya ng ibang tao. As an artist din, gusto ko i-promote yung art through that po (yung pag-gagantsilyo),” saad ni Ogao.
Samantala, gaya ng iba pang business owners, nakaramdam din siya ng pangamba dahil sa stereotyping at panghuhusga sa mga male crocheters. Ngunit aniya, isa ito sa mga nagtulak sa kanyang simulan ang kanyang maliit na negosyo sa mithiin niyang baliin ang nakasanayang ideya na kababaihan lamang ang maaaring gumawa nito.
“Nakita ko po kasi na sa ngayon, marami nang mga lalaki ang nagco-crochet din and sometimes naju-judge din sila dahil sa idea na ‘yon. Kaya naisip ko na magandang idea din siya (pag-gagantsilyo) para kahit papa’no ay ma-accept ‘yon ng karamihan na capable din ang lalaki sa pagco-crochet,” dagdag nito.
Ayon pa kay Ogao, may kapabilidad maging ang mga kalalakihan na i-express ang kanilang mga sarili sa pamamagitan nito ‘pagkat wala naman umanong pinipiling kasarian ang sining.
Ang mga produkto ng Gantsilyo Guy ay mabibili sa iba’t ibang porma, disenyo, kulay, at sukat. Mga bulaklak, keychains, at customized dolls na nagkakahalaga mula Php35 hanggang Php1,000 depende sa disenyong ipagagawa.
Maliban sa style at quality ng kanyang produkto, higit na ipinagmamalaki ni Ogao ang pagiging isang male crochet maker dahil tila ito raw ang dahilan kung bakit binabalik-balikan siya ng kanyang customers.
“Nakikita ko ‘yon as an edge kasi pakiramdam ko, gusto ng tao na parang bago sa kanila…Kasi yung tao, gustong ma-try yung gawa ng isang male crocheter.”
Aniya, inspirasyon niya ang makitang masaya at satisfied ang kanyang mga nagiging customers — na habang may naniniwala at may napapasaya umano ang kanyang produkto, mananatili siyang magpapatuloy sa paglikha ng mga ito.
Sa ngayon, kasalukuyang nag aaral ng Certificate in Professional Teaching si Ogao sa Bicol University matapos magtapos sa kursong Arts in Literature nitong nakaraang taon.
“Labanan natin yung takot na baka ano ang iisipin ng iba…If nakikita ninyo na may chance or may potential na mag grow yung business niyo sa future, sige lang. Kung ‘di man mag work, pwede tayong sumubok ng ibang bagay at magsimula ulit,” ani Ogao. I Gabby Bajaro
Photos: Gantsilyo Guy