Tampok sa isang art exhibit ang mga paintings at kakaibang scrap metal arts na obra ng 29-anyos na si Arieto Capacio ng Malinao, Albay, sa LCC Mall, Tabaco City ngayong Arts Month.
Ang solo exhibit na ito ni Capacio ay may temang, “What if? Diesel Punk” na kung saan ibinibida ang kaniyang iba’t ibang retro futuristic arts maging ang kaniyang mga paintings.
Ang ilan sa kaniyang mga obra ay gawa sa kahoy, salamin, at iba’t ibang uri ng piyesa at metal na kadalasang makikita sa mga hardware at junk shop.
Isa sa mga agaw-pansin sa exhibit ang obra niyang scrap metal art chess na tinawag niyang “Counter and Counter“ na hindi lamang ginawa pang display kundi maaari ring gamitin sa aktwal na paglalaro.
Matagal nang nasa larangan ng sining si Capacio ngunit noong 2018 lamang niya nakahiligan ang paggawa ng mga scrap metal arts. Ang kaniyang mga obra ay hango mismo sa kaniyang sariling imahinasyon at naging malaking tulong ang karanasan niya sa paghihinang o pagwe-welding para makabuo ng ganitong mga obra.
Dagdag pa ni Capacio, inaabot ng dalawang linggo ang panggawa ng mga malilit, samantala ang life size scrap metal arts naman ay inaabot ng isang buwan.
“Sabi ko nga, from trash to cash. Dati ginagawa ko lang siyang libangan, ngayon pinagkakakitaan ko na siya,” saad ni Capacio.
Sa ngayon pinagiisipan ni Capacio na i-level up pa ang kaniyang mga obra sa pamamagitan ng pagbibigay buhay sa mga ito o paggawa ng moving scrap metal arts.
Bukas sa publiko ang art exhibit hanggang February 29, 2024 sa LCC Mall event center sa Tabaco City. | Melojane Guiriña