BUeño artist, wagi sa Regional Painting Competition 2024

Matagumpay na nasungkit ng isang estudyante mula sa Bicol University (BU) ang gintong medalya sa regional painting competition, bahagi ng Bicol SUC 2024 Culture and the Arts Festival, ika-8 ng Pebrero sa Daet, Camarines Norte.

Katunggali ni Ian Paul Bos, isang 23 anyos na Tabaqueño at 5th year architecture student ng BU Institute of Design and Architecture (BUiDEA) ang siyam (9) pang student-artists mula sa iba’t ibang unibersidad sa Bicol.

Ayon kay Bos, simula senior high school ay nasa larangan na siya ng pagpipinta at nakakuha na rin ng iba’t ibang parangal sa larangan ng sining ngunit hindi pa rin naging madali sa kanya ang pagsabak sa nasabing kompetisyon. 

“I was having trouble with my 1st hour of the 4 hour duration ng painting competition due to the pressure  and hindi po ako sanay sa paint medium na binigay ng committee, so nag-struggle po ako sa first hour ko” saad ni Bos. “ I’m a graduating student po and this competition is my last chance to make BU and everyone supporting me proud. Kaya I aim po to bring home the 1st place sa lahat ng aking makakaya, and thanks God binigay niya po sa akin.” dagdag pa nito. 

Si Bos ay dalawang beses na ring naging finalist sa prestihiyosong Shell National Student Art Competition noong 2021 at 2022.

Makikita ang ilan sa kaniyang mga obra sa kaniyang Facebook and Instagram accounts, Ian Paul Bos at @bos_yapyap.

Mensahe niya sa kapwa artist, “Ayos lang po magpahinga basta wag sumuko sa mga bagay na nagpapasaya sa atin. Ayos lang na palipasin ang panahon wag lang pagkakataon. Magsakripisyo sa mga bagay na gusto at kailangan natin. We only live once and opportunities rarely occur. Make life worthwhile.”

Si Bos ang magiging kinatawan ng Bicol Region sa painting competition nationals. | Melojane Guiriña

IMG 6759
IMG 6756
IMG 6760

Photo: Ian Paul Bos, BU SUC Culture and Arts Team

Share