LEGAZPI CITY — Inimbitahan at itinampok ng Kapihan, isang coffee shop sa Legazpi City, ang ilan sa mga maliliit at nagsisimula pa lamang na negosyo sa isinagawang ‘Ralatagan sa Kapihan’ nitong Pebrero 8 sa Barriada, Legazpi City.
Bilang parte ng kanilang ikalawang anibersaryo, nakiisa at tumugtog din ang mga inimbitahang local artists mula alas-3 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi upang magbigay-aliw sa mga tao.
Ayon sa may ideya ng ‘Ralatagan’ na si Bem Zenit, isa sa mga benipisyo nito ay nagkakaroon ang mga lokal at independent artists ng mga oportunidad sa pamamagitan ng kolaborasyon na siyang nagsisilbing daan upang maipagmalaki at maibahagi nila ang sarili nilang likha.
Samantala, ayon naman sa may-ari ng Kapihan na si Meia Casulla, 26, ang inisyatibong ito ay naglalayong pagsama-samahin ang mga local artists at entrepreneurs upang magkaroon ng isang komunidad kung saan ang bawat-isa’y nagtutulungan sa ikalalago ng kani-kanilang negosyo.
“One of the visions talaga ni Kapihan noong nag start pa lang siya, na-kwento ko sa kaibigan ko na gusto ko, sana one day magkaroon ng community ‘yung mga small businesses ng coffee, magkakaroon ng isang event na andoon lahat, socializing and we try to solve each other’s problem through knowledge ng isa’t-isa. ‘Yon talaga ‘yung [na-visualize] ko, na magkaroon ng community,” saad ni Casulla.
Hindi tulad ng ibang entrepreneurs, hindi naniniwala si Casulla sa ideya ng kompetisyon sa paniniwalang higit na importante ang sayang naidudulot ng negosyo niya pati na rin ang pagkakaibigan na nabubuo habang nagbebenta.
“Ako kasi, ayo’ko ng kompitensya…nag eenjoy ako masyado na may kasama lang mag tinda kahit wala akong kinikita kasi gano’n naman talaga e (yung mithiin sa pagbebenta),” dagdag pa nito.
Aniya, mahirap din sa kanya ang ipagkatiwala ang lahat ng gawain sa Kapihan dahil sa labis-labis na pagmamahal dito na naging dahilan ng kanyang pag-papabaya sa sarili na naging mitsa naman upang mawalan ng minamahal na kanyang naging hamon sa pag-papatuloy.
“Ngayong anniversary (ng Kapihan) ko na-realize na ‘you have to let it go.’ So ni-let go ko si Kapihan, [Ipinag-katiwala] ko sa lahat ng tao, and it’s running. Biglang gumaan lahat,” sambit niya.
Bago maging may-ari ng coffee shop, naranasan ni Casulla maging taga-hugas ng pinggan, on-call crew, at waitress na siyang humubog sa kanyang pagkatao.
Mensahe niya sa lahat ng nag-iisip magtayo ng sariling negosyo na hindi batid kung paano magsimula, lakas lamang ng loob at tiwala sa sarili. Sa mga planong ninanais gawin, unahin muna kung ano ang madaling gawin upang may masimulan.
“Kahit gaano pa ka-weird ng idea mong ‘yan, try to share it to the world ‘coz someone will gonna like it. You’ll gonna find the right market for you… If it’s meant for you, it will gonna happen mahina man o malakas ang loob mo,” dagdag ni Casulla.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan din ng ilang small coffee businesses tulad ng Kape South, Musikape at ilan pang art pop-ups tulad ng Kuti-Kuti, Studio Playground at iba pa. I Gabby Bajaro