Albay Performing Arts Group, Wagi sa Isang Int’l Competition 

Irosin, Sorsogon – Hindi matatawaran ang talentong ipinamalas ng isang performing arts group na Siklab Albay Folkloric Group nang magwagi sa ginanap na 2nd Indonesia International Culture Festival na pinangunahan ng Indonesian Ministry of Home Affairs nitong Oktubre 26 hanggang Nobyembre 2.

Nasungkit ng Siklab Albay Folkloric Group ang pinakamataas na parangal na Best Exploration of Dances Award sa Beach Parade Competition na ginanap sa Pantai Timur Ancol, Jakarta, Indonesia matapos ibida ang kanilang piyesa na Albay Mabuhay. 

Binubuo ang nasabing grupo ng mga talentadong elementary at high school teachers—14 Rondalla players at 16 folkloric dancers—mula sa iba’t ibang paaralan sa probinsiya ng Albay. 

Sa panayam ng BicoldotPh kay Minviluz Sampal, Education Program Supervisor, sinabi nito na hindi siya nahirapang hubugin ang Siklab Albay nang mabuo ang konsepto ngayong taon lamang dahil sa ang ibang mga miyembro ay dati nang mga award-winning dancers at may pasyon sa musika.

Sa rekomendasyon ni Francisco Bulalacao, chief ng Department of Education (DepEd) V, napili ang grupo na kumatawan ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon. 

Nilalayon ng festival na ipakita ang cultural harmony at pagsamahin ang iba’t ibang kultura ng mga lumahok na bansa kasama na ang Pilipinas. 

Sa katunayan, ito ang unang beses na magkasama ang mga miyembro para sa isang kompetisyon ngunit ang kanilang galing ay naging isang patunay sa ganda ng kultura ng Pilipinas at talento ng mga Bikolano. 

𝐇𝐚𝐦𝐨𝐧 𝐚𝐭 𝐛𝐮𝐧𝐠𝐚 𝐧𝐠 𝐤𝐨𝐦𝐩𝐞𝐭𝐢𝐬𝐲𝐨𝐧

Para kay Jairah Joy Chavez, 31, miyembro ng Siklab Albay Folkloric Group at kasalukuyang nagtuturo sa Tiwi-Agro Industrial school, may mga maliit na hamon rin silang naranasan bago sumabak sa kompetisyon. Kasama na rito ang mainit na panahon at mahabang oras na byahe papunta sa venue.

“We really have to wake up early para makarating doon sa venue namin and we have to prepare early para makarating doon kasi [the distance of location] is really very far away,” saad ni Chavez.

Ayon kay Jennifer Morete, 26, at kasalukuyang nagtuturo sa Malapay High school sa Pio Duran, Albay, may halong kaba at kasiyahan ang kaniyang naging karanasan dahil kahit na performer siya simula elementarya, iba pa rin sa pakiramdam na magtanghal sa isang international stage.

“We feel honored and humbled at the same time…hindi nalang sarili mo ang ni-re-represent mo, hindi nalang ‘yong grupo, kundi ang buong bansa…bilang isang cultural advocate, yun po ang pinaka-highlight ng career namin hindi lang bilang teacher kung hindi bilang cultural advocate,” ani Morete. 

Dagdag pa ni Morete, maraming kalahok ang talagang nag-abang ng kanilang mga performances dahil iba-ibang performances ang kanilang ipinamalas sa kada venue ng kompetisyon. Sa kabila nito, hindi nila inaasahan na makakamit nila ang parangal.

“We were called last [during the] awarding and na-d-disappoint na po kami sa mga sarili namin dahil hindi po talaga perfect ang execution…[pero] feeling ko deserve po talaga ng Philippines kasi ginawa talaga namin yung best at na-appreciate po ‘yon ng mga tao,” saad ni Morete. 

Binigyang diin din ni Morete na marami pang dapat asahan mula sa Siklab Albay Folkloric Group hindi lamang sa kanilang performances kundi sa pagbibigay importansiya sa kultura ng ating bansa. 

“Syempre po bilang mga cultural advocates, asahan niyo po na pagbubutihin po namin ang mga performances. Advocacy [namin] na ituro [at mahalin] ang ating kultura through performing arts,” dagdag ni Morete. 

Dahil sa pagsisikap ng Siklab Albay Folkloric Group at pagpapakitang-gilas sa ating kultura, muli silang naimbitahan ng embahada ng Indonesia at nagpadala rin ng imbitasyon ang bansang Sri Lanka para sa kanilang festival sa Abril sa susunod na taon.

Sa kasalukuyan, naghahanda ang grupo ng kanilang local performances matapos makatanggap ng imbitasyon mula sa pamunuan ng Xentro Mall Polangui para sa Christmas tree lighting sa susunod na linggo.| Nicole Frilles

IMG 3684
IMG 3685
IMG 3687
IMG 3690
IMG 3686
IMG 3691
Share