41 Agri-preneurs, nagsama-sama sa Bicol Coconut Trade Fair

Bilang pagpapakita ng masaganang industriya ng agrikultura, lalong lalo na ng raw materials sa Bicol region, nagtipon-tipon ang 41 agri-preneurs sa kasalukuyang isinasagawang Bicol Coconut Trade Fair sa 3rd floor Event Center ng SM City Legazpi mula Agosto 24 hanggang Agosto 27.

Inorganisa ng Philippine Coconut Authority (PCA) at Department of Trade and Industry (DTI) Regional Office V ang nasabing aktibidad kung saan ipinapakita ang kahalagahan at kasagahanan ng raw materials sa Bicol.

Ayon kay Mateo Zipagan, regional manager ng PCA RV at chairperson ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) Regional Inter Agency Technical Committee (RIATC), nakabangon na umano ang rehiyon sa mga dumaang bagyo makalipas ang tatlong taon kaya sagana na at hindi na nila tinitingnang problema ang kakulangan ng raw materials sa Bicol.

“Hindi problema ang raw materials dito sa Bicol. Nakabangon na ang Bicol sa mga nakaraang bagyo. Maganda na ngayon ang production,” saad nito. Dagdag naman ni DTI RV Regional Director Dindo Nabol, ito ay kabilang sa product development ng naturang ahensya para sa coconut industry ng rehiyon.

“Resulta to ng pinagpaguran ng different stakeholders and partners dito sa ating CFDT program. Kami (sa DTI) being the one in-charge sa marketing and promotions kaya kami nag-implement ng marketing development program for our coconut industry,” ani Nabol.

Dagdag pa nito, talaga namang pinagpaguran ng iba’t ibang stakeholders lalong lalo na ng mga dumalong agri-preneurs ang naturang aktibidad at handa umano silang i-offer ang mga lokal na produkto sa publiko.

Layunin din ng programa na matulungan ang nasa 365,000 coconut farmers ng rehiyon na nakakapag-produce ng nasa 2-bilyong niyog kada taon – dahilan kung bakit maraming nag-aangkat mula sa Bicol.

Samantala, inaanyayahan naman ng DTI at ng PCA ang publiko na bumisita sa 4 na araw na Bicol Coconut Trade Fair at tangkilikin ang mga produktong gawa ng mga Bicolanong agri-preneurs. | Danica Roselyn Lim

Photos by God Frey Las Piñas

viber image 2023 08 26 13 11 13 630
viber image 2023 08 26 13 11 21 979
viber image 2023 08 26 13 11 20 881
viber image 2023 08 26 13 11 18 849
viber image 2023 08 26 13 11 19 491
viber image 2023 08 26 13 11 18 465
Share