Plushies Production naisakaturapan sa tulong ng EDC

Naging tulay ang Energy Development Corporation (EDC) sa pag-angat ng antas ng kabuhayan sa isang komunidad sa Bacon, siyudad ng Sorsogon at ng munisipalidad ng Manito, Albay. 

Taong 2008 nang mabuo ang Bacman Host Community Multi-purpose Cooperative (BMPC) sa tulong ng EDC at magkasama nilang isinakatuparan ang programang plushies production noong 2022. Sa maikling panahon ng operasyon ng programa, malaki na ang naitulong nito sa mga residente na magkaroon ng trabaho at gayundin mabigyan ng suporta ang adbokasiya ng organisasyon na mapangalagaan ang kalikasan.

Sa panayam ng Bicoldotph kay Olivia Marie Cayme, Community Partner ng EDC, malaking tulong sa kanila ang partnership sa parehong layunin na buksan at pataasin ang kamalayan ng mga residente kaugnay sa endemic species na namumuhay sa kagubatan ng Bacman.

“Ang plushies production ay ang isang napakagandang patunay na ang power plant ay nag o-operate in harmony with nature,” saad ni Cayme.

Ayon naman sa manager ng Bacman cooperative na si Walter Domagsang, nagbigay ang EDC, sa pamamagitan ng Palayan Binary Project ng mga sewing machine para sa mga kababaihan na ginagamit sa plushies production.

Pinangunahan naman ng Karaw Craft Ventures mula sa Naga City, isa sa mga partners, ang pagsasanay sa mga miyembro ng kooperatiba sa pananahi ng plush toys.

Katuwang din nila ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. sa pagbuo ng proyekto at ang foundation naman ang naging tulay upang maipakilala ang kanilang produkto sa iba’t ibang media outlet.

Kali at Diwa

Mayroong dalawang klase ng plushies ang ginagawa at binebenta ng kooperatibe sa tulong ng EDC na hinango sa mga endemic species.

Ang Apo Myna na pinangalanang “Diwa” at makikita lamang sa Mt. Apo ay mabibili sa halagang 700 pesos.

Ang Golden-Crowned Flying Fox naman na si “Kali” ay nagkakahalagang 800 pesos na makikita sa mismong  lugar.

Para naman kay Analiza Jesalva, isang manggagawa ng plush toys at dating mananahi ng damit, nagkaroon siya ng panibagong karanasan sa pagtatahi ng plush toys na malaki rin ang naitulong upang kumita kahit nasa bahay lamang siya.

Sa handog na proyekto ng EDC na plushies production, hindi na niya kinakailangang lumayo sa kaniyang pamilya upang makapagtrabaho.

Bisitahin lamang at mag-iwan ng mensahe sa Facebook page ng EDC BINHI para makabili o mag-pre-order ng Kali at Diwa plush toys.

Share