DepEd Bicol, pinarangalan ang mga regional stakeholders 

SORSOGON CITY — Pinarangalan ng Department of Education (DepEd) Region V ang mga regional stakeholders sa ginanap na Regional Stakeholders’ Appreciation, Sharing of Best Partnership Initiatives and Awarding Ceremonies sa Sorsogon City Convention Center nitong Huwebes, June 7. 

Sa isang panayam ng Bicoldotph kay DepEd V Regional Director Gilbert Sadsad, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng ganitong aktibidad para sa mga nasa sektor ng edukasyon. 

“Isa itong paraan kung bakit lalong ituloy at dagdagan pa ng ating mga naiinspire na mga kapartner sa DepEd. Ito ay isang paraan upang patuloy na mag embrace na tumulong,” dagdag pa nito. 

Isa sa mga nakatanggap ng naturang parangal si Japps Prado Callos, mula sa Rotary Club of Metro Sorsogon. 

“Kasi unang una, priority ng aming organization ‘yung community service so malaking tulong na makapagbigay [din] kami ng tulong sa DepEd para sa ating mga kabataan, para sa ating mga estudyante,” ani Callos. 

Ayon pa rito, isang karangalan ang mapili ang Sorsogon bilang host ng ganito kalaking aktibidad ng DepEd. 

Bukod sa mga katuwang ng DepEd gaya ng USAID ABC+, World Vision, Food for the Hungry Philippines, Good Neighbors International Philippines at iba pa, pinarangalan rin ang mga guro at school heads mula sa iba’t ibang paaralang elementarya at sekondarya sa buong Bicol. 

Isa sa mga ito si Jonathan Morano, mula sa Schools Division Office (SDO) Masbate at initiator ng proyektong Tabang Kariton na naglalayong tulungan ang mga bata na makapagbasa sa pamamagitan ng mobile library na ito. 

“Napakalaking bagay na marecognize ng region 5 ang accomplishment ng Tabang Kariton. Kahit noong nasa pandemic pa, nagbigay po ito sa amin ng lakas at inspirasyon para ipagpatuloy ang aming munting adbokasiya,” saad nito. I Danica Roselyn Lim

IMG 9528
IMG 9532
Share