Lalaki, patay sa pananaksak sa Juban, Sorsogon

Patay ang isang 31 anyos na lalaki matapos itong saksakin bandang alas dos ng madaling araw ng Miyerkules, Mayo 17, sa basketball court ng Barangay Buraburan, Juban, Sorsogon.

Kinilala ang biktimang si Dennis Daymil Lutrania, 31 anyos habang ang suspek naman ay kinilala na si Valintine Docot Jr., 51 anyos at parehong residente ng nasabing lugar.

Ayon sa impormasyon, galing ang biktima at suspek sa isang beer plaza sa nasabing lugar gabi ng Martes, Mayo 16, hanggang sa mangyari ang insidente.

Naitakbo pa sa Irosin District Hospital ang biktima bago ito inilipat sa Sorsogon Provincial Hospital pero kalaunan ay binawian rin ito ng buhay.

Napag-alaman na ang suspek ay isang barangay tanod sa nasabing Barangay at sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Juban Municipal Police Station.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad patungkol sa insidente. | via Joey Galicio, Ralph Kevin Balaguer

Share