LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng anger management symposium ang isang paaralan sa Daraga, Albay para sa mga estudyante at guro nito kahapon, Mayo 5.
“Control your anger before it controls you” ang tema ng symposium na kung saan pinag-usapan kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng mga bata kapag makakaramdam ng galit.
Ayon kay Teacher Bey Averilla, chairman ng Piamont Science Oriented School Foundation Inc., naisipan umano ng kanilang institusyon na magsagawa ng nasabing programa dahil sa obserbasyon nila na pagiging ‘impatient’ umano na ugali ng mga bata ng teknolohiya.
“General observation namin sa mga bata particularly siguro sa mga graders –may mga distinct characteristics po sila (gaya ng pagiging) impatient. Lalo na n’ong pandemic, nagiging impatient yung mga bata na matutukan yung mga needs nila. Nakikita ko rin na influence (sa pagiging mainitin ng ulo ng mga bata ay) yung mga external factors like technology, social media — yung mga violent videos, stories,” saad ni Teacher Bey.
Panauhing tagapagsalita na si JO1 Grace Redrico, unit help desk at jail nurse ng Sorsogon City Jail District (SCDJ), na ibinahagi na mahalagang pag-usapan ang anger management lalong-lalo na sa mga batang estudyante dahil ito raw ay isang paraan para sa kanilang behavior modification.
“This program and lecture will help them na ma-acknowledge nila at malaman nila kung pap’ano ang pag-handle kung sila ay nagagalit na hindi lang sa classmate nila, hindi lang sa friends nila lalong-lalo na (rin) sa parents nila and mga teachers and sa lahat ng tao makakahalubilo nila na kung saan dadalhin nila hanggang paglaki nila,” saad ni Redrico.
Bago ang nasabing aktibidad, nagkaroon din ng symposium para sa mga magulang ng mga batang estudyante kung ano ang dapat gawin para i-manage at i-handle sila.
“Mayr’on po kaming magandang connection with the parents kasi this is (a) partnership eh. Naniniwala kami na hindi siya madaliang processing sa mga bata,” wika ni Teacher Bey.
Bukod pa rito, nagbahagi rin ng kwentong pambata ang opisyal ng SCDJ na ang tema ay may kaugnay pa rin sa anger management sa storytelling segment ng programa.
Parte ng special subject na “Laws, Rights, and Responsibilities for Kids” ng nasabing institusyon ang programa at nananawagan si Teacher Bey na sana mas marami pang paaralan ang i-adapt o i-incorporate ang nasabing aktibidad sa kani-kanilang curriculum.
Mahigit 100 estudyante mula Grade 1 hanggang Grade 6 ang dumalo sa nasabing symposium. | Arvie Bediones
Photo courtesy: Sorsogon City District Jail