Isa ang Xavier University (XU) ng Cagayan de Oro City sa 33 teams na kasali sa Rodeo National Finals ngayong taon.
Ayon kay Hernando Pacana, XU Team Manager, mula taon 2000 pa sila sumasali sa National Finals. Ang kanilang koponan ang kumakatawan sa XU College of Agriculture. Nanalo na rin sila ng apat (4) na beses bilang grandslam champion sa student category.
Sa kanilang pagbabalik sa Masbate para sa Rodeo MasbateƱo ngayong taon, mayroong silang tatlong teams na maglalaro. Isa rito ang Rodeo Enthusiast na binubuo ng lalaki at babae; ang Bullrider na pawang lalaki ang kasali sa team; at ang bago nilang team na Manresa Farm na mayroong lalaki at babaeng mga manlalaro at unang beses na sasali sa national finals.
Isa sa manlalaro ng XU ay si Rosario Bulan na miyembro ng Rodeo Enthusiast. Naglaro na si Rosario noong 2017 at siya rin ang hinirang na Ms. Rodeo Queen sa taong iyon. Ani Rosario, sabik na siyang makapaglaro ulit sa finals upang ipakitang muli ang hinasang kakayahan sa mga partikular na laro na pambabae.
Samantala, ayon naman kay Neil Ramonal Longino ng Manresa Farm na unang beses na maglalaro sa finals, pinaghandaan niya ang national finals na ito sa pamamagitan ng pagsali sa ibang patimpalak.
Sa muli, nagpapasalamat naman si Pacana sa patuloy na pag-imbita sa kanila ng pamunuan ng Rodeo MasbateƱo Inc. (RMI) para mas lalo pang mapaunlad ang kakayahan ng kanilang mga estudyante. I via Jonathan Morano