Int’l Women’s Month art exhibit, tampok sa Sorsogon City

LEGAZPI CITY – Tampok ang iba’t ibang paintings sa Metamorphosis Art Exhibit na isinagawa ng Artists Guild of Sorsogon (AGOS) para sa pagdiriwang ng International Women’s Month na pormal na binuksan sa publiko nitong Marso 15 at magtatagal hanggang Marso 30 sa SM Sorsogon City.

Karamihan sa mga kalahok ay mga kababaihang local visual artists na nagmula mismo sa probinsya ng Sorsogon kung kaya’t ito ay dinarayo ngayon ng mga art enthusiasts dahil sa kanilang iba’t ibang istilo habang paksa ng kanilang mga obra ay representasyon ng kababaihan.

Ayon kay Joey Hugo, founder ng AGOS, nilalayon ng exhibit na ipakita ang kahalagahan ng Women’s Month at kung paano nagsisilbi ang sining sa pagsulong ng women empowerment.

“Ang main theme natin is metamorphosis which symbolizes the evolution of women in our society [at] kung paano sila lumalaban…paano sila nagbabago – socially, culturally and emotionally at iba pang aspetong panlipunan,” saad ni Hugo sa panayam ng Bicol.PH.

Sa pananaw naman ni Justine Joy Bornel, event curator, ang kagandahan ng art exhibit ay nabibigyan ng daan ang isang tao upang malayang maipamalas ang sarili sa pamamagitan ng sining at bigyang-pansin ang sakripisyo ng mga kababaihan.

“Ang mga women, ang pinaglalaban talaga [ay] hindi lang to empower, but to be heard. Gusto nilang marinig sila. Through art, naipapakita natin ang iba’t ibang anyo…iba’t ibang klase ng babae na naipapakita natin sa kanila na there is beauty in diversity,” dagdag nito.

𝐀𝐥𝐚𝐠𝐚𝐝 𝐧𝐠 𝐬𝐢𝐧𝐢𝐧𝐠

Si Jullius Ojos, Architecture student sa Sorsogon State University (SSU) at miyembro ng Guhit Pinas – Sorsogon, ay baguhan lamang sa larangan ng acrylic painting.

Sa kabila ng galing sa pagpinta, ito raw ang unang karanasan ng 21 anyos na si Ojos na makilahok sa isang art exhibit matapos siyang maimbitihan ni Hugo.

Inspirasyon raw ng kanyang obra na ‘Floración’ ay mula sa kanyang paboritong kanta na ‘The River’ ni Aurora.

“Yung message ng piece ko, it’s okay for us to show our emotions kasi somehow it will free us from the prison of pain and sadness. Pag na-eexpress natin ang emotion natin, mas doon tayo nag-bo-bloom,” ani Ojos.

Samantala, nagbahagi naman ng karanasan sa larangan ng visual arts ang tubong Daraga, Albay na si Maria Magdamit bilang guest artist ng naturang exhibit.

Ayon kay Magdamit, nagsimula na mapukaw ang kanyang hilig sa visual arts noong siya ay nasa elementarya pa lamang kung kaya’t kumuha siya ng kursong Fine Arts sa University of Santo Tomas – Manila.

“Gusto ko e-emphasize na nag-spark ‘yung creativity or nagising ang passion ko sa art because of [Dindo Estrellado] when I saw his work. It is an awakening,” saad ni Magdamit sa kanyang speech.

Si Magdamit ay dalawang beses na naging national finalist para sa sculpture competition sa programang Metrobank Art and Design Excellence (MADE) taong 2013 at 2017.

Ani Magdamit, nadaanan na niya ang lahat ng medyum ng sining ngunit nahulog ang kanyang loob sa ceramics kung kaya’t ito ang pinagtuunan niya ng pansin.

Isa sa mga ipinakitang ceramic artwork ni Magdamit sa exhibit ay ang kaniyang obra na ‘Diwata’ na kung saan kapaligiran ang kanyang naging inspirasyon.

“Ang diwata is the guardian spirit of the forest and mountains—nature. So ang mga embellishments ko represents the flowers, tree, leaves…Ang artwork na ito usually I put a message na tayo, we take care of our nature para ma-maintain natin kung gano kaganda ang ating kapaligiran,” ani Magdamit.

Dagdag pa niya, ang kaniyang signature bilang isang artist ay ang kanyang mga embellishments na aakalain mong corals ngunit purong gawang-kamay lamang.

“Art is a very effective medium for awakening consciousness to inspire or to empower us into positive change,” mensahe naman ni Magdamit. | Nicole Frilles

IMG 7485 1
IMG 7486
IMG 7488
IMG 7487 1
IMG 7489
IMG 7490
IMG 7492
IMG 7496 1
IMG 7461

Photos: Danica Roselyn Lim

Share