Jeepney phaseout?

Ilang milya pa ba ang kailangang takbuhin ng mga jeep sa Pilipinas para mapatunayang ayuda at pagpapalakas sa sistema ng mga magigiting na ‘hari ng kalsada’ ang kailangan imbes na jeepney phaseout? Bukod sa sipag at tiyaga na kadalasan ay ibinabalandra ng mga tsuper sa araw-araw na biyahe, tambak din ang iba’t ibang problemang magmula manibela hanggang gulong ay iniinda nila.

Sa isinagawang malawakang transport strike na dapat sana ay isang linggo, mas maraming nakapuna sa mga magiging resulta kapag naikasa na ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program na naglalayong i-phaseout na ang mga pampublikong sasakyan, lalo na ang mga jeepney na lampas 15 taon nang tumatakbo sa kalsada.

Ayon sa mga ipinakitang yunit ng nasabing modernized jeepneys sa mga asosasyon ng mga tsuper sa Albay, tinatayang nasa 1.8-milyon hanggang 2.6-milyon ang maaaring maging presyohan para magkaroon ng mga bagong sasakyan.

𝙔𝙪𝙣𝙜 𝙝𝙖𝙡𝙖𝙜𝙖, 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙥𝙤 𝙩𝙖𝙡𝙖𝙜𝙖 𝙣𝙖𝙢𝙞𝙣 𝙠𝙖𝙮𝙖.’

Para sa mga tsuper, hindi pa sapat ang kikitain nila kahit araw-araw silang kumayod sa loob ng isang buwan kung ang babayaran naman buwan-buwan para rito ay nasa Php25,000 hanggang Php30,000 – hanggang saan na lamang aabot ang humigit-kumulang Php500 na kita sa isang araw?

Ang nasabing jeepney phaseout ay isinapubliko na noong taong 2017 pa, alinsunod sa layunin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aniya’y hindi na ligtas at nakasasama na umano sa kapaligiran ang mga lumang modelo ng jeep na bumibiyahe sa kalsada.

Ayon sa isang panayam kay Rolando Butel, pangulo ng Ligao Pioduran Tabaco Transport Corporation (LIPTRACORP) at isa rin sa mga namamasadang tsuper sa isang lokal na area sa Albay, ligtas umano ang kanilang mga sasakyan at bihira ang mga nagaganap na aksidente kapag may biyahe – kung magkakaroon man, kadalasan ay ‘human error’ na ang itinuturong dahilan.

Anti-poor din kung ilarawan ng ilan sa mga transport groups ang nasabing programa dahil ang mga namamasadang tsuper maging ang mga komyuter ang papasan ng mga pagbabago sa iba’t ibang antas lalong lalo na sa gastusin para lang sa modernisasyong ito.

Inilahad din ni Mylene Trilles, pangulo ng Letter B association o ng mga jeep na bumibiyahe sa isang ruta (Letter B jeepneys) sa Daraga at Legazpi City na tutol din sila sa ikinakasang jeepney phaseout – aniya sana mapakinggan ang hinaing ng mga maliliit na grupo ng mga drayber at mabigyang pansin ang ipinaglalaban ng lahat.  

Matatandaang ang dapat na isang linggong tigil-pasada ay naudlot at natigil nitong Marso 7 – ang dapat na ikatlong araw sana ng nationwide transport strike matapos ang naganap na pag-uusap sa pagitan ng mga transport groups na PISTON at MANIBELA sa Presidential Communications Office.

Natigil man at naiurong sa Disyembre 2023 ang huling araw ng pag-consolidate ng mga operators at draybers para sa programa, hindi pa rin maikukubli ang reyalidad na nakaamba sa mga susunod na buwan.

Pagkatapos nito, ano na kaya ang kasunod? I via Danica Roselyn Lim

335435872 753063886204673 6274350349747196152 n
335271349 601757695144094 3702139088439350230 n

Photos: Job Baeza

Share