Hawksbill sea turtle, dwarf sperm whale natagpuang patay sa San Pascual, Masbate

Isang hawksbill sea turtle at dwarf sperm whale ang natagpuang wala nang buhay sa magkaibang barangay sa bayan ng San Pascual, Masbate nitong unang linggo ng Pebrero.

Ang pawikan ay nakita ng isang residente na palutang-lutang sa baybayin ng Brgy. Nazareno, San Pascual, Burias Island, Masbate umaga noong Lunes, Pebrero 6.

May haba itong 4ft at lapad na 3ft.

Ayon kay Pascual Placencia, Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) ng San Pascual, Masbate, hindi pa kumpirmado kung ang ikinamatay ng pawikan ay ang nakitang dalawang tama ng baril sa likod nito.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang nasabing pawikan ay nasa state of decomposition na at pinaghihinalaang pitong araw nang patay bago ito natagpuan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng barangay ang mga labi nito para sa karagdagang imbestigasyon.

IMG 6175
IMG 6174

Samantala, isang dwarf sperm whale naman ang natagpuan sa tabing-dagat ng Brgy. Bocachica, San Pascual, Masbate na nanghihina at kalaunan ay namatay noong Sabado, Pebrero 4.

May haba itong 8.1 feet, lapad na 18.1 inches at 18.4 inches na dayametro.

Sa inisyal na imbestigasyon, isa sa mga nakikitang sanhi ng pagkamatay ng balyena ay ang malakas na alon na siyang dahilan upang tumama ito sa mga koral kung kaya’t nagtamo ito ng maraming sugat at gasgas sa katawan.

Hindi na umano kinaya nitong lumangoy at napadpad na lamang sa dalampasigan ng nasabing lugar.

“Iyong mag-asawa…iyong sa Bocachica, may kasama iyon. Iyong [isang balyena] nagpupumilit dahil siguro may nararamdaman na, so sinasamahan [noong asawa] at hindi na kinaya. Noong mismong araw [ng Sabado], inilibing na po [ng mga residente at tanod ang balyena],” ani Placenia sa panayam ng Bicol.PH. | via Nicole Frilles

IMG 6176
IMG 6178

Photos: MENRO San Pascual, Masbate

Share