Dalawang buwan ang itinakbo ng Brigada Pagbasa sa Bagong Baryo Elementary School, Barangay Tugbo, Masbate kung saan pangunahing layunin nito ay mabigyan ng tutorial ang mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang 6, tuwing araw ng Sabado.
Katuwang ng Schools Division Office ng Masbate Province ang Tabang Kariton at ang Liceo de Masbate 4th Year Education Students at iba pang volunteers na nagsilbing tutors sa mga bata. Sa kabuuan, mayroong 121 volunteer-tutors habang 121 naman ang mga learners sa nasabing paaralan.
Laking kasiyahan naman ng pamunuan ng eskwelahan sa aktibidad na ito. Ani Gng. Razil Alcovindas, ang prinsipal ng paaralan, “Hindi po matawaran ang saya at pasasalamat sa Tabang Kariton na syang naging tulay sa programang ito na kung saan malaking tulong siya para mapunan ang learning gaps ng mga bata dahil sa pandemic.”
Aktibo rin na sinubaybayan ng Masbate SDO ang aktibidad na ito upang maisakatuparan ang layunin ng programa.
“Words are not enough to express my sincere appreciation to the Tabang Kariton and Partners”, mensahe ni Gng. Rita C. Veracis, ang PSDS ng Mobo North.
“Knowing about the activity with a strong partnership with Tabang Kariton I am amazed about their sacrifices done,his commitment & dedication in helping school children. The strong partnership & linkages with other stakeholders were very evident”, dagdag pa ni Veracis.
Nagpasalamat naman si Allan Mar Rance, isa sa mga tutors mula sa Liceo de Masbate. Aniya “Nakakamanghang karanasan na maibahagi ang aking kakayahan at kaalaman sa mga estudyante na kahit sa maikling panahon ay nakatulong ako sa kanilang pag-aaral.”
Hangad rin ni Ramon Ramones, isa pang volunteer na mabigyan pa ang mga bata ng karagdagang tulong upang sila’y mas matuto at mabigyan pa ng oportunidad na maipakita ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng programang ito.
Nagpapasalamat naman ang Tabang Kariton at SDO Masbate Province sa lahat ng nakatuwang nila sa dalawang buwan na pagsagawa ng Brigada Pagbasa kagaya ng BLGU Tugbo, Liceo de Masbate at iba pang partners at stakeholders na nakiisa sa adhikain na makapaglingkod sa mga Batang Tugboanons. I via Jonathan Morano
Photos: Jonathan Morano