Higit kwarentang mag-aaral ng Albay Central School sa Legazpi City ang kasalukuang pinapa-isolate dahil sa sakit na Hand, Foot and Mouth Disease.
Sa 42 na kaso ngayon, 30 sa mga batang ito ay mula sa Legazpi City habang ang 12 ay mga residente ng Daraga, Albay
Sa datos ng Legazpi City Health Office, karamihan ng tinamaan ay mga batang nasa kinder at grade 1. Sa 30 na mga kaso, 13 ang mga batang kinder at 13 naman ang nasa grade one. 21 ang mga batang lalake habang siyam naman ang mga batang babae.
Kahapon ay nagsagawa ng disinfection sa eskwelahan at isinailalim sa orientation ang mga guro upang alam nila ang gagawin kung may mga madadagdag pang suspected cases ng HFMD ayon kay Dr. Nathaniel Rempillo, Albay Provincial Health Officer. Kanila rin daw na inaalam ang index case o kung saan nagsimula ang pinakaunang kaso sa nasabing eskwelahan.
Ayon kay Ma. Francia Genorga, Nurse V/Infectious Disease Cluster, DOH Bicol CHD, ang HFMD ay isang banayad ngunit mabilis makahawang sakit na karamihan ay mga sanggol at batang 5 taong gulang pababa ang tinatamaan, sanhi ng isang virus.
Kabilang sa mga senyales at sintomas ng HFMD ang lagnat, pananakit ng lalamunan, pakiramdam ng hindi maganda, pagkamayamutin sa mga sanggol at maliliit na bata, kawalan ng gana sa pagkain, mga pulang pantal sa palad, talampakan at pigi, at lesion-like na sugat.
Pinapayuhan ng DOH Bicol ang mga magulang na may mga anak na nagpositibo sa HFMD na i-isolate ang kanilang anak nang hindi bababa sa isang linggo, subaybayan ang lagnat ng bata, at isangguni sa doktor ang kondisyon ng bata.