Aguas Farm: Living a farm vibe with style

Mararanasan sa Aguas Farm ang ‘farm vibe’ kung saan maaari kang mag-bonfire at mag nature trip kasama ang inyong pamilya o mga kaibigan.

Makikita mula rito ang kagandahan ng Mayon Volcano at ang karagatang nakapalibot sa unang distrito ng Albay.

Kapansin-pansin rin dito ang iba’t ibang hayop na isa sa mga rason kung bakit sinasadya ito ng mga turista. 

Ayon sa pamunuan ng Aguas Farm, pwedeng magdala ang mga bisita ng kanilang mga alagang hayop ngunit kailangan pa rin maging responsableng pet owner.

Sa isang panayam sa Bicol.PH, inilarawan ni Yohan Reblando, 11 taong gulang, ang farm bilang isa sa mga kakaibang tourist attractions na napuntahan niya. 

“Maganda po ang dami ko pong nakitang mga animals na hindi ko pa po nakikita. Tulad ng monkey, crocodile saka po ostrich. ‘Yung monkey po [pinaka nagustuhan] [kasi] ang bilis niya po kumain. Ang daming isda na mala-laki [din] po,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay Jocelyn Reblando, isang senior citizen na first time bumisita sa farm, talagang nagustuhan nila ang kakaibang vibe nito.

“Maganda kasi may mga animals [at] may mga pwede rin makita na hayop na hindi ‘yung araw-araw na nakikita,” saad nito.

Matatagpuan ang farm sa Brgy. Fidel Surtida, Sto. Domingo Albay. Bukas simula alas 8 ng umaga hanggang alas 9 ng gabi at may entrance fee na P50 para sa mga adults at P30 naman para sa mga bata, senior citizens, at persons with disabilities (PWD).

Naghahain rin sila ng masasarap na pagkain, inumin, at desserts na sakto para sa bonding moments kasama ang pamilya. 

Higit pa rito, may mga available rin silang kwarto na may kasama pang libreng almusal para sa mga nais manatili ng isang gabi. Pwede ito sa dalawa hanggang 15 katao na nagkakahalaga simula P2,500 hanggang P5,000. | Jemimah So