258 Na-dokumento na Paglabag sa Karapatang Pantao sa Bicol, Ayon sa Karapatan

Sa isang online na talakayan ng Kapehang Bayan kaugnay ng International Human Rights Day, tinalakay ng mga lider ng sektor sa Bicol ang mga patuloy na insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon.

Ayon kay Nida Barcenas, tagapagsalita ng Karapatan Bicol, mula Hulyo 2022 hanggang sa kasalukuyan, nakapagdokumento sila ng 258 insidente ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang 19 na kaso ng extrajudicial killings (EJKs). Ang bilang na ito ay maaaring mas mataas pa umano dahil sa mga lugar na hindi nila kayang maabot tulad ng Masbate, Sorsogon, at mga kabundukan sa Camarines Sur.

Ani Barcenas, karamihan ng mga insidente ay pambu-bully at intimidation na madalas nararanasan ng mga magsasaka at aktibista, lalo na ng mga naapektohan ng red-tagging.

“Magandang balita siguro dahil dito sa Naga ay meron nang isinulat na batas ang Naga City na paparusahan na rin ang red-tagging. Kami ay direktang biktima ng red-tagging dito sa Naga, ang mga mukha namin ay pinapaskil sa paligid ng Naga na kami ay mga tuta ng CPP-NPA-NDF. Yung mga nasa lehitimong organisasyon dito sa Naga at ganun din sa Albay, ang pangunahing gumagawa ay yung civil-military operations na nakakalat sa mga lungsod, tulad ng Legazpi City at Naga City,” saad ni Barcenas.

Ayon pa kay Barcenas, patuloy pa rin ang mga extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Marcos, at may katulad na bilang ng mga biktima sa panahon ng administrasyong Duterte. Ipinahayag din niyang marami sa mga kasong ito ay may kinalaman sa presensya ng mga sundalo sa mga baryo, na nagdudulot ng takot at panghaharas sa mga residente.

Si Ramon Rescovilla, tagapagsalita ng Condor Piston Bicol, ay nagsalita naman tungkol sa red-tagging na naranasan niya at ng iba pang mga lider ng sektor ng transportasyon. Ipinahayag niya ang kanilang patuloy na paglaban sa modernization program ng gobyerno, na aniya ay naglalayong patahimikin ang mga nagpoprotesta laban sa mga patakaran ng gobyerno.

“Sana dito sa Albay, magkaroon din ng ordinance kaugnay sa redtagging. Kasi sa simula po doon nangyari sa akin na pang-reredtag, bago ako mahuli, red tag ang pinagalaw nila, na komo ako daw ay octopus. Doon yun nagsimula, pagkatapos ng red tagging, pinakatan ng military sa barangay namin, nung di sila nagtagumpay, tinaniman ako ng planted evidence kung kaya nangyari na makulong tayo. Sa totoo lang wala man tayo alam doon, ito ang naging atake ng nakaraanang administrasyon sa hanay ng   transportasyon para takutin ang lumalaking bilang ng mga tumitindig para ipaglaban ang mga batayang karapatan lalo na sa sektor ng transportasyon”, saad ni Rescovilla.

Usapin ng Economic Rights at Long-Term na Solusyon sa Pagbawi Mula sa Kalamidad

Samantala, idinagdag naman ni Jen Nagrampa, chairperson ng Bicolana Gabriela, na ang usapin ng economic rights ay isa ring mahalagang bahagi ng karapatang pantao. Binanggit niya ang mga epekto ng mga bagyo sa rehiyon at ang pangangailangan ng mga magsasaka ng long-term na rehabilitasyon at ayuda mula sa gobyerno. Aniya, hindi sapat ang mga pansamantalang tulong mula sa relief operations; kinakailangan ang mas matibay na programa upang matulungan ang mga nasalanta ng kalamidad.

“Sa totoo lang po, ang mga relief ng ating gobyerno at ng mga NGO ay parang band-aid solution lang po siya. Ang hihingiin natin, lalong-lalo na po na napakahirap bumangon, lahat po tayo nabiktima ng kalamidad. Sana po ay pagtuunan ng national government na kailangan talaga tulungan ang mga mamamayang Bikolano para tuluyan mabangon, lalo na doon sa mga nasalanta at nabaha ng mga bagyong dumaan,” ayon kay Nagrampa.

Sa bahagi naman ni Jose Opiana, tagapagsalita ng Bicol Movement for Disaster Response Camarines Sur, ipinaabot niya ang kanilang saloobin ukol sa paggamit ng mga relief operations para sa counter-insurgency at red-tagging. Aniya, ginagamit ng mga ahensya ng gobyerno at AFP ang mga relief caravan upang maglunsad ng mga local peace forums sa tinatawag nilang red areas, na nagiging dahilan ng karagdagang panghaharass sa mga apektadong komunidad.

“Halimbawa, ang aming staff sa Caramoan na pinupuntahan ng AFP ay talagang kinukubkob at ginagamit ang relief response para kilalanin at itarget yung mga pinaghihinalaan nilang mga kuno ay parte ng isang rebolusyonaryong organisasyon,” ani Opiana.

Bilang pagtatapos, ipinahayag ni Dan Balucio, Secretary-General ng BAYAN Bicol, ang kanilang panawagan na panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte at si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa patuloy na pasistang mga programa. Nanawagan din siya ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte dahil sa kanyang papel sa mga patakarang nagdudulot ng paglabag sa karapatang pantao.

Share