Astro-Photographer, Nasilayan ang pambihirang “Comet of the Century” sa Camarines Sur

Sa isang pambihirang pagkakataon, nasilayan ng 28-anyos na astro-photographer na si John San Agustin mula sa Libmanan, Camarines Sur ang tinaguriang “comet of the century,” isang celestial event na makikita lamang kada 80,000 taon.

Ang kometang ito, na kilala sa tawag na Comet C/2023 A3 o Tsuchinshan-ATLAS, ay kanyang nakunan ng litrato sa dalawang magkasunod na araw.

Nitong Huwebes, Oktubre 17, unang nakuhanan ng mga larawan ni San Agustin ang kometa bandang 6-7 ng gabi, 30 minuto matapos lumubog ang araw sa Libmanan. Kinabukasan, Oktubre 18, nasilayan naman ang kamangha-manghang tanawin sa Sipocot, Camarines Sur.

“Yung makita at makuhanan po natin ng larawan ang comet of the year ay sadya pong nakakamangha sa katulad ko pong mahilig mag-abang ng mga astronomical events. May dagdag koleksyong larawan naman po tayo dahil napaka-rare or once in a lifetime lang po nating masisilayan ang comet na ito,” pahayag nito.

Ibinahagi rin niya na mahirap masilayan ang kometa sa kanilang lugar dahil sa pabago-bagong panahon at madalas na maulap na kalangitan. Kaya naman, maswerte siyang nakuhanan ito ng litrato.

“Mahirap din pong abangan itong comet na ito sa location namin dito sa Camarines Sur sapagkat unpredictable po ng panahon dito at minsan naman po ay napaka-maulap, maswerte po nating masilayan at makuhanan ng litrato ang comet na ito noong nakaraang araw,” dagdag pa ni San Agustin.

Samantala, ayon sa PAGASA, habang hindi makikita ang kometa sa pinakamalapit nitong paglapit, ito ay magiging saglit na makikita mula kalagitnaan hanggang sa katapusan ng buwan habang tumatahak mula sa konstelasyon ng Sextans patungong Ophiuchus. | Jeric Lopez

IMG 2855
IMG 2856

Photos: JB San Agustin

Share