Nasa 2,544 miyembro ng Social Security System (SSS) na nagtatrabaho sa lokal na pamahalaan ng Legazpi City ang magkakaroon ng mas madaling access at transaksyon sa ahensya.
Alinsunod ito sa mga agreements na pinirmahan ni Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal, City Legal Officer Atty. Mariet Belgica-Cledera sa SSS na layuning ilapit pa ang mga serbisyo sa mga empleyado ng gobyerno sa pamamagitan ng mas madaling maintenance ng kanilang active SSS membership, pagtiyak na nasa tamang oras ang kontribusyon at loan payments, gayundin ang mas madaling access sa SSS online services.
“With the establishment of localized e-Center as an LGU program, their workers, whether permanent employees or job order and contract of service workers, can go directly to the kiosk in the same workplace during breaks and after work, making it easier for them to access My.SSS accounts and complete their online transactions,” saad ni SSS president at chief executive officer Rolando Ledesma Macasaet.
Sinabi ni Rosal na maganda itong programa, lalo na ang nakatalaga sa mga malalaking opisina, upang mas madaling makumpleto ang kanilang transaksyon sa nasasakupan.
Sa ilalim ng MOA, maaaring ma-access ng mga empleyado ang SSS E-Centers kahit anong oras upang makapag-apply sa Social Security (SS) number online; makapagrehistro sa My.SSS portal sa SSS Website; makapag-reset ng account password; makapag-access ng membership records; makapag-update ng contact information;makapag-enroll ng kanilang nais na disbursement accounts sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM); makapag-generate ng Payment Reference Number (PRN) para sa kontribusyon at loan payments; makita ang kontribusyon at loan records; at makapag-apply sa salary loan and ConsoLoan, kung mayroong past-due short-term member loans.
Maaari na ring mag-file ng benefit claims para sa sakit, maternity, disability, retirement, funeral, at pagkamatay (para sa mga naulilang asawa) sa My.SSS member portal.
Sa partnersyip naman ng Land Transportation Office (LTO) Bicol at SSS, ang mga job order (JO) at contract of service (COS) workers ng LTO na hindi sakop ng Government Service Insurance System (GSIS), ay magiging rehistrado ng SSS bilang self-employed member sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program.
Ibabawas ng LTO Bicol ang SS at employees’ compensation (EC) contributions mula sa sahod ng empleyado at i-r-remit sa SSS. Magsisimula ang programa sa unang batch ng 22 JO/COs workers.
Ang mga self-employed na miyembro ng SSS ay may karapatan na rin na makatanggap ng social security benefits para sa sakit, maternity, disability, retirement, funeral at iba pang SSS loan programs.