Personal na dinaluhan ni dating bise presidente Leni Robredo ang block screening ng documentary film na “And So It Begins” ngayong Miyerkules, Agosto 28, sa SM Naga City.
Ang “And So It Begins” ay unang inilabas sa 2024 Sundance Festival sa direksyon ni Ramona Diaz na umiikot sa pink movement na sumiklab noong presidential campaign ni Robredo sa nakaraang 2022 Philippine elections.
Sinabi ni Robredo na ang “And So It Begins” ay isang “companion film” ng 2020 award-winning documentary na “A Thousand Cuts” ni Diaz tungkol kay Maria Ressa at laban para sa malayang pamamahayag sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni dating presidente Rodrigo Duterte.
Dahil nagmula rin si Diaz sa Naga City, nakumbinsi ni Robredo ang kaniyang team noong eleksyon na payagan ang grupo ni Diaz na sundan ang kanilang campaign journey. Inamin ni Diaz na naging mahirap sa kanilang sundan ang grupo ni Robredo dahil na rin sa iba’t ibang media ngunit binigyang linaw ni Diaz na hindi sila nakipag-kompetensya rito.
“My heart was telling me, I think we can do this despite the people not in the bubble saying, ‘listen to the surveys.’ It was a push and pull between my heart and head. I thought it was gonna be a sad ending and helpless but I don’t think [helplessness] is needed right now,” saad ni Diaz.
“In a way [And So It Begins] is still very much a companion film. Pero when VP Leni announced, I knew what Maria was saying about this information and elections, and integrity of elections was gonna unfold in reality kasi…then BBM announced so I knew this was sort of (a) shakespearean battle for the soul of the nation,” saad ni Diaz.
Taong 2004 nang dumalo rin si Diaz sa Sundance Festival para sa kaniyang dokumentaryo na “Imelda’” kung saan personal inihayag ni dating first lady Imelda Marcos ang kaniyang kuwento, kasama na ang pagtanggi nito sa kalupitan noong panahon ng batas-militar at ang pagharap niya sa korte dahil sa kasong “graft and corruption.” Nanalo ito ng parangal para sa “Excellence in Cinematography – Documentary.”
Troll attacks
Sinabi ni Robredo na nilapitan siya ni Ressa noong kauupo niya lamang bilang bise presidente taong 2016. Aniya, sinubaybayan ng grupo ni Ressa ang sistema ng atake kung saan si Robredo ang nangungunang target ng mga “trolls.”
“Kadakol dito, bako man totoong tao. Pigpahiling nya sakuya ‘pag may keywords na naglalaog, halimbawa, ‘Leni Robredo,’ ‘pag may keywords kaiyan na mga attacks sakuya, naghahali sa luwas kan Pilipinas,” sabi ni Robredo.
Sinabi ni Robredo na nagsimula silang magkaroon ng fact-checking ng online algorithm taong 2019. “Yaon na sa echo chamber. Dae na siya nakakaabot sa dapat kaabutan. Su mga nagtubod sa fake news, dae na siya naaabut kan fact checking dahil sa algorithms,” saad ni Robredo.
From “This Is How It Ends” to “And So It Begins”
Inamin ni Robredo na ang unang pamagat ng docufilm ay “This is How It Ends” ngunit pinalitan ito ng “And So It Begins” dahil napuno ng pag-asa ang nakaraang kampanya. Nakuha umano ang pamagat nito mula sa thanksgiving rally matapos ang eleksyon.
“Kun dae idtong [thanksgiving rally] gigibuhon, talagang matapos si gabos na very somber ‘yong mood. Ang obligasyon ko, mag-set nin direction. So, an pag-set ko ning direction, dapat hilingun ta ini na movement baku lang idtong kampanya. And dahil movement ini, dae natapos (an) laban ta ning election,” saad ni Robredo.
Bagama’t hindi komersyal na ipinapalabas ang “And So It Begins” sa malalaking sinehan, buong Pilipinas naman ang block screening kung kaya’t doon napatunayan na malaki ang volunteer network, ani Robredo.
Naging emosyonal ang isa sa mga volunteers ni Robredo na si Nilo Dollesin mula sa Cabusao, Camarines Sur, nang mapanood ang docufilm. Aniya, radikal ang pagmamahal na dapat maipasa sa mga susunod na henerasyon.
“Naku, kahit ayaw ko umiyak, tumutulo talaga ang luha ko. ‘Yong mga time na-r-refresh namin ‘yong rally before election,” sabi ni Dollesin.
Pinamunuan ang block screening ng Isabelinas for Leni at University of the Philippines (UP) Alumni Association – Camarines Sur. Ang magiging benepisyaryo naman ng proyekto ay ang Angat Buhay, ang non-government organization na pinangunahan ni Robredo kasama ang mga partners, volunteers at mga taga-suporta upang tulungan ang mga mga Pilipino lalo na ang mga nasa laylayan.| Nicole Frilles, Regina Dioneda