Matapos ang isang taong preparasyon, opisyal nang sisimulan ng Bureau of Customs (BOC) – Legazpi sa Setyembre ngayong taon ang operasyon ng pinakaunang international container line sa rehiyong Bicol kung saan posibleng umabot sa P1 bilyon ang revenue kada buwan.
Ayon sa panayam kay Segundo Sigmundfreud Barte, Jr., ang acting district collector ng BOC – Legazpi, mas mabilis at ligtas na umano ang transportasyon ng mga high value raw materials sa pamamagitan ng containerized vessels na dadaong sa Tabaco port.
Sa tulong ng Regional Container Lines (RCL), isang Singapore-based shipping line company, mabilis nang maihahatid sa mga karatig-bansa ang mga produkto na manggagaling sa Bicol.
“‘Pag dumating ‘yang vessel, dito na yan (sa Bicol) ang manufacture, dito na i-process. Malapit na dito ang mga materials…dito na diretso, so, mas mura na siya,” saad ni Barte.
Sakaling mangyari ito, magkakaroon ng desentralisasyon ng mga port activities sa bansa. Dahil dito, hahatakin nito ang mga manufacturing companies sa Southern Luzon.
“Dalhin mo dito (‘yong raw materials), dito yung manufacture, it’s now made in Bicol. So, saka mo ngayon i-export…Pwede tayo kumuha ng raw materials from other areas, i-process naten and then i-export and now you create export for the Bicol region,” sabi ni Barte.
Magiging mas mura na rin ang presyo ng mga kalakal dahil direkta na ang importasyon at pagluluwas ng mga produkto at hindi na kailangan pang dalhin patungong Maynila ang mga kalakal kung saan mahal at doble ang pamasahe. Magbabago ang economic landscape sa Bicol pagdating ng containerized vessels.
Dagdag ni Barte, tatlo ang international ports sa Bicol na pasok sa batas: Legazpi port, Panganiban port at Tabaco port. Sa tatlong pantalan, Tabaco port lamang ang naaprubahan na shipping line.
Hindi na umano mapapabayaan ang Southern Luzon kung maisakatuparan na ang international container line sa Bicol, ayon kay Barte. Tataas ang Internal Revenue Allotment o National Tax Allotment (NTA) dahil sa mga makokolektang mga buwis sa mga pantalan sa Bicol.
“Sometimes you have to do something within your level. You do not need to ask everything from the government. When we say we developed economically, we can now invite investors, more jobs, more business opportunities and at the same time ‘yong NTA, whatever services you will give, tataas siya,” sabi ni Barte.
Inaasahan ang pagdami ng trabaho, pagtaas ng kita at pagdami ng mga bagong negosyo na makakatulong sa paglakas ng lokal na ekonomiya sa Bicol.
Dagdag ni Barte, nakahanda na ang kanilang sistema at nagkaroon din ng “pledge of commitment” ang mga lider, national government agencies, mga lokal na pamahalaan, iba pang stakeholders tulad ng mga importers at exporters sa isinagawang pagtitipon kasama ang RCL sa La Piazza Hotel and Convention Center nitong Martes, Agosto 13. |Nicole Frilles