Bicolana Wonder: Batang kampeon sa Agham, Matematika at Sining

Pinatunayan ni Patrise Elizabeth Culminas, isang incoming grade 5 student mula sa Ibalon Central School, na tahanan ng magagaling ang rehiyong Bicol sa larangan ng Agham, Matematika at Sining matapos niyang masungkit ang iba’t ibang medalya sa mga kompetisyon sa ibang bansa. 

Wagi si Patrise ng silver medal sa International Science Olympiad Competition (ISOC 3.0) sa Pateron, Indonesia noong Pebrero 2024 habang matagumpay din siyang nakipagsabayan sa galing sa International Mathematics Olympiad Competition of Southeast Asia (IMOCESEA) noong Hulyo 2024 sa Chiang Mai at sa SIAM International Mathematics and Science Olympiad (SIMSO) noong Hunyo 2022 sa Bangkok.

“I was very happy actually and excited because I’m going to other countries. Most importantly, I am happy because God is always with me and he guides me through the tough challenges in the exam,” sabi ni Patrise.

Wala namang espesyal na estratehiyang ginamit si Patrise maliban sa kaniyang mga panalangin at pananampalataya sa Diyos. Bukod rito, pinag-aralan niyang mabuti ang mga ibinigay ng kaniyang ina na mga printed materials na naglalaman ng detailed reviewers mula sa kaniyang guro na si Teacher Vicky. 

Matatandaan na dati nang nag-viral si Patrise dahil sa kaniyang talento sa pagpinta kung saan naging parte siya ng exhibition para sa kaniyang mga obra. 

“Sometimes, when my paintings get sold, I use the money I get from clients in return for paintings. I use the money for registration in contests,” saad ni Patrise. 

Ang mensahe ni Patrise sa mga kabataan, “Success is not [quickly]. Sometimes, you have to really work hard to achieve success and to achieve your dreams, you must know that with God, nothing is impossible.” 

Proud na proud naman ang kaniyang ina na si Racel Culminas sa lahat ng mga achievements ni Patrise. “Masaya ako dahil ang tiyaga at pag-aaral ni Patrise pati na ang kanyang dasal ay nagbunga,” saad ni Racel.

Bilang bahagi ng Bureau of Fire Protection (BFP), sinisigurado ni Racel na may sapat na oras siya upang gabayan at suportahan si Patrise. 

“Ang susi sa tagumpay ng aking anak ay ang pagbibigay ng suporta sa kanyang mga pangarap at ang pagtutok sa kanyang lakas at kahinaan,” dagdag ni Racel. “I always make sure that I provide the necessary reviewers and support. I help her manage her time and make schedules. We also enroll her in various international exams to keep her engaged and challenged.” 

Para sa kaniya, ang tagumpay ni Patrise ay hindi lamang resulta ng sariling pagsisikap kundi pati na rin ng suporta at pagmamahal ng pamilya. 

“Ang tagumpay ni Patrise ay isang inspirasyon sa lahat. Ipinapakita nito na sa tulong ng Diyos at sa masigasig na pag-aaral, ang mga pangarap ay maaaring makamit,” dagdag ni Racel. I Jeric Quidoles

Share