Kapansin-pansin na ang madalas na pagbabago ng klima gayundin ang patuloy at mapanganib na pagtaas ng temperatura. Kung sa mga nakaraang taon ay matiwasay pang nakakapaglaro sa ilalim ng init tuwing ala-una ng hapon ang mga bata, ngayon ay tila nakakapaso nang lumabas sa taas ng temperatura. Kung gayon, tayo ang may kaukulang responsibilidad upang tugunan ito – ang maging isa sa pangangalaga sa mundong ating tinitirhan.
Sa patuloy na pagbabago ng panahon, kalakip din ang mga hamong pangkalikasan, partikular na ang matinding pag-init ng mundo. Dahil dito, mabilis na ring natutunaw ang mga ice caps at glaciers sa mga malalamig na bahagi ng daigdig na nagreresulta sa pagtaas ng sea level.
Ayon sa pag-aaral, isa sa nakikitang resulta ng sea level rise ang kakulangan sa freshwater gawa ng pag-okupa ng tubig-alat sa mga freshwater basins kung saan kumukuha ang tao ng patubig sa pananim at tubig pang-inumin. Naapektuhan nito ang produksyon ng pagkain at nagdudulot ng pinsala sa sektor ng agrikultura. Ang pagkatunaw ng mga yelo sa poles ay nakaaapekto rin sa paghina ng mga oceanic currents na nagiging ugat ng mabilisang pagbabago ng panahon.
Ang tanong, bakit nga ba umiinit ang mundo?
Resulta ito ng carbon emissions.
Ang carbon emission ay ang tuloy-tuloy na paglabas ng carbon dioxide (CO2) at greenhouse gas sa ating atmospera na nagmumula sa pagkuha at pagsunog ng fossil fuels kagaya ng langis, coal, at natural gas. Ito ang nangungunang gawain ng tao na nagiging sanhi ng climate change. Kasama na rin sa mga dahilan ang mga natural na aktibidad kagaya ng sunog sa gubat o “wildfire”, at pag-alboroto ng bulkan.
Ang greenhouse gas ang nagsisilbing “heat trap” upang pigilang makalabas sa atmospera ang init na dala ng araw na nagiging dahilan sa pagtaas ng temperatura at pagbabago ng klima sa ating mundo.
Ayon sa datos, naglabas ng 146.5 na milyong tonelada ng carbon dioxide (CO2) emissions ang Pilipinas mula sa paggamit ng enerhiya taong 2022. Kung ikukumpara sa nakaraang sampung taon, nasa 138.8 milyong tonelada ng CO2 ang inilabas ng bansa taong 2012 – nasa 7.88 na porsyento ang itinaas nito.
Ang pribadong sektor ang isa sa mga malaki ang ambag sa carbon emissions na siyang nagreresulta sa climate change. Kung kaya’t malaki rin ang responsibilidad ng naglalakihang kompanya, institusyon at enterprises upang labanan ang climate crisis.
Bilang solusyon, naisakatuparan ang ideyang Net-Zero Carbon Alliance (NZCA) o net-zero emissions na naglalayong balansehin ang inilalabas na CO2 mula mga sa naglalakihang kumpanya at human activities. Ipinatupad ito sa ilalim ng “Paris Agreement” ng United Nations taong 2015 na layuning limitihan ang pag-init ng mundo na hindi hihigit sa 1.5°C pagdating ng taong 2050.
Nasa 140 na bansa kabilang ang Tsina, Estados Unidos, India, at European Union, ang naglunsad na ng net-zero emissions. Dito sa Pilipinas, nagsimulang ilunsad ang NZCA sa pangunguna ng Energy Development Corporation (EDC) taong 2021.
Binubuo ang alyansang ito ng mga pribadong kumpanya at organisasyon sa bansa na may layuning magtulungan upang makamit ang carbon neutrality. Kabilang sa mga ito ang Converge ICT Solutions Incorporated, First Balfour, Unilever Philippines, Mondelez Philippines at marami pa.
Ang pangunahing hakbang para sa mga kumpanyang ito upang makamit ang net-zero ay sa pamamagitan ng pag-track sa kanilang carbon footprint. Sa paraang ito, mas mabibigyan nila ng tuon ang kanilang maaring maging aksyon upang mabawasan ang carbon emissions sa gabay ng NZCA framework. Kasama sa naturang framework ang paglatag ng plano upang mapanatiling sustainable ang magiging estratehiya patungong net-zero.
Paano ba magiging kasapi ng NZCA ang isang kumpanya?
Ang ilan sa mga kalipikasyon para sa mga kumpanyang nais dumalo sa alyansa ay kailangang nasa Pilipinas ang operasyon nito. Kailangan ding rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Department of Trade and Industry (DTI), at dapat buo ang hangarin at pangako nitong makamit ang net-zero habang papalapit ang taong 2050.
Marami nang paraan upang magtulungan tayong protektahan at ingatan ang inang kalikasan. Isa ang Net-zero Carbon Alliance sa magsisilbing malaking hakbang upang tayong mga nasa maliliit na sektor ay makiisa rin sa hangaring mabawasan ang carbon emissions sa pang-araw-araw nating gawain. Ugaliin nating magtipid sa paggamit ng enerhiya sa pamamagitan ng paglilimita nito, iwasang magsayang ng papel, itigil na ang pagsusunog ng basura, at matuto na ring mag-recycle at proper waste disposal.
Sa maliliit nating hakbang sa pagiging responsableng tagapangalaga ng kalikasan, malaki ang naibabalik nitong pagbabago upang makarekober at mapabuti ang ating mundo. Kasama ang Net Zero Carbon Alliance na binuo ng pribadong sektor, malinaw nang maisasakatuparan ang hangarin nating ligtas at magandang kinabukasan sa kabila ng hamong pangkalikasan. | Denisse Mae Laganzo