GHG emissions: Epekto at kaakibat na plano sa nagbabagong panahon

Kasabay ng paglipas ng panahon ang pagbabago ng mundo. 

Marahil hindi na bago sa karamihan ang pabago-bagong klima sa bansa, ngunit isa itong pandaigdigang suliranin na higit na kailangang pagtuunan ng pansin. Nagsisilbi itong banta at hudyat para sa panibagong simula at hakbang upang matugunan ang mas lumalaking suliranin sa kasalukuyang panahon. 

Isa sa mga dahilan ng pagbabago ng klima ay ang pagtaas ng greenhouse gases sa atmospera  na nag-ambag sa greenhouse effect— isang proseso sa himpapawid na nagiging dahilan upang mas uminit ang temperatura ng mundo.

Samantala, ang mga greenhouse gas (GHG) emissions ay nabubuo at madalas makuha, halimbawa na lamang sa mga kumpanyang malakas ang konsumo sa paggawa ng produkto—sa  enerhiya at kuryente, produksyon, transportasyon o pag aangkat ng produkto sa ibang bansa. Ang kabuuang dami o sukat ng greenhouse gases na nag-uugnay sa lahat ng aktibidad na ito ay ang tinatawag namang ‘carbon footprints.’ 

Ang mga malalaking kumpanya ang higit na mayroong malaking responsibilidad sa pagbabawas ng carbon footprint. Dahilan sa malaki ang kanilang GHG emissions na nagiging sanhi ng mas malawak na suliranin sa usaping climate change at global warming.

Mahalaga ang pagkakaroon ng inisyatibo, adbokasiya at malasakit upang makatulong hindi lamang sa lipunan kundi pati na rin sa buong mundo. 

Ang Unilever na isa sa pinakamalaking consumer goods company sa buong mundo ay naglalayong mabawasan ang emissions hindi lamang mula sa kanilang operasyon kung hindi pati na rin sa paraan ng pagkonsumo ng tao sa kanilang mga produkto.

Miyembro ang Unilever ng Net Zero Carbon Alliance o NZCA na inilunsad ng Energy Development Corporation (EDC). Isa itong multi-sectoral movement ng mga malalaking kumpanya sa Pilipinas para sa pagkamit ng “net zero carbon emissions.” Mithiin nila ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa marami pang kompanya at organisasyon para makamit ang “carbon neutrality” bago o pagsapit ng taon 2025. 

Mayroong ambisyon ang Unilever na makamit ang “net zero” sa buong value chain pagsapit ng taong 2039. Sa loob ng maraming taon, naging mahalagang aspekto ng Unilever ang sustainability at ang pagtugon sa pagbabago ng klima ang naging pangunahing layunin nito. Dahil dito, nakapagtala  sila ng 74 porsyento ng pagbaba sa kanilang operational GHG emissions mula taong 2015 sa pamamagitan lamang ng renewable energy na kanilang ginagamit sa operasyon. Kasabay din nito ang pagbaba ng climate impact ng kanilang mga produkto na naging isang malaking ambag sa pagtugon ng kanilang layunin.

Isa sa kanilang mga hakbang ay ang pagsasakatuparan ng climate transition action plan o ang CTAP. Sinimulang ilathala ito ng Unilever taong 2021 kung saan nagbibigay daan ito upang mapalapit sa mga bagong near-term absolute greenhouse gas reduction targets. 

Ang mga itinakda naman nilang targets para sa pagbabawas ng GHG emissions sa kanilang operasyon at value chain ay nakapaloob sa tatlong saklaw. Ang una at pangalawang saklaw ay naglalayong mabawasan ng 100 porsyento ang operational emissions pagsapit ng 2030 mula sa baseline ng 2015. 

Habang ang pangatlong saklaw naman ay naglalayong bawasan ng 42 porsyento ang energy at industrial emissions mula sa mga biniling produkto at serbisyo, transportasyon, at iba pa mula sa base year noong 2021. Layunin rin ng saklaw na ito na mabawasan ng 30.3 porsyento ang emissions mula sa forest, land, at agriculture (FLAG) sa parehong panahon at base year. Sa pamamagitan ng mga target na ito, nababawasan ang kanilang carbon footprint sa buong operasyon at value chain.

Ang Unilever, kasama ang iba’t ibang business group, ay mayroong time-bound costed roadmaps upang makamit ang kanilang mga target na aksyon at plano sa paglago ng pinansyal. 

Naniniwala ang kumpanya na sa pamamagitan ng paggamit ng renewable energy at pagbawi ng waste heat sa kanilang mga operasyon, magiging mas epektibo at hindi gaanong apektado ang pabago-bagong estado ng panahon. 

Sa pamamagitan rin ng pagrereporma ng kanilang mga produkto at paglipat sa mas mahusay na packaging o pagkamit sa 100 percent reusable, recyclable, at compostable na packaging—nakakapagbigay ito sa mga konsyumer ng mas sustainable na mga produkto. Kaakibat din sa plano ang pagwawakas sa paggamit ng plastik, zero deforestation at ang pagtugon sa food waste.

Para kay Hein Schumacher, ang chief excecutive officer (CEO) ng Unilever, mahalaga ang kolaborasyon at kooperasyon ng bawat isa upang mas maisakatuparan pa ang kanilang bisyon para sa isang bagong panahon ng sustainability leadership sa ilalim ng kanilang growth action plan. 

“We can’t do this alone, we need others. Collaboration is at the heart of how we have approached sustainability so far – and that’s something I think we should keep on doing,” aniya sa isang panayam patungkol sa CTAP.

Walang mabilisang solusyon sa suliraning panahon lalo na sa usaping negosyo. Ngunit sa mga negosyo o malalaking kumpanya rin maaaring magsimula ang pagbabago. Mayroong mga potensyal na agarang aksiyon upang hindi na lumala at maging isang malaking dagok sa pamumuhay ng tao ang pagsubok na ito. Marahil hindi alam ng lahat ang sitwasyong kinakaharap natin sa panahon ngayon, ngunit ikaw bilang isang indibidwal, ay mayroong responsibilidad na simulan ang pagbabago mula sa iyong sarili upang maging isang epektibong mamamayan para sa mas marami pang pag-asa at panibagong bukas ng mga susunod na henerasyon. I Lyzha Mae Agnote

IMG 9760
IMG 9761
IMG 9756

Photos: Unilever

Share