Diborsyo bilang Pag-asa at Kalayaan

Opinyon: Bagong kabanata

Sa tuwing pinag-uusapan ang kasal, madalas nating maihahalintulad ito sa isang “happily ever after,” kung saan ito ang hangganan ng magkasintahan na patungo sa bagong kabanata—ang sumpaan sa simbahan. 

Ang divorce naman ay ang kabaliktaran dahil ito ay hiwalayan ng mag-asawa. Ngunit maari din itong ituring na bagong simula para sa dalawang taong may parehong masaklap na kwento mula sa kanilang buhay may-asawa. Nagbibigay-daan ito sa pagsulat ng bagong aklat na puno ng bagong pag-asa at pagkakataon.

Pawang isang pelikula na may simula, gitna, at wakas. At kung minsan, humahantong ito sa isang masalimuot na kwento. Tulad na lamang ng isang kwento na isinulat ng isang Amerikanang manunulat na si Colleen Hoover na may pamagat na “It Ends with Us.”

Ang kwento nina Ryle at Lily ay isang halimbawa kung bakit mahalaga ang diborsyo. Sa kwento, binugbog at itinulak ni Ryle si Lily pababa ng hagdan—nagpapakita ng domestic violence. Hindi lamang isang beses nangyari ang pang-aabuso, dahilan upang humantong ang kanilang relasyon sa hiwalayan. Ang pang-aabuso o domestic violence katulad nito ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangang ipasa ang Absolute Divorce Act.

Sa Pilipinas, isang usapin na puno ng emosyon at kontrobersiya ang divorce. Hindi ito isang simpleng usapin na parang eksena sa telenobela o isang fairy tale na may masayang wakas. Ang divorce ay isang seryosong hakbang na kinakailangan ng maingat na pagsusuri at masusing pag-unawa.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas at ang Vatican City ang tanging mga bansa na ipinagbabawal ang diborsyo. Ngunit noong Mayo 22, 2024, inaprubahan ng House of Representatives ang  House Bill 9349 o “Absolute Divorce Act” sa senate hearing na may 131 boto na pabor, 109 na tutol, at 20 naman ang hindi lumahok sa pagboto. Habang ang iba ay natuwa, marami pa rin ang tutol na gawing legal ang diborsyo sa bansa.

Ayon sa ilan, salungat ito sa paniniwala ng Katolisismo na dapat sagrado ang kasal. Isa sa mga kongresistang tumutol ay si Rep. Richard Gomez ng Leyte. Aniya, dapat sumunod ang batas sa relihiyosong kaugalian ng karamihan ng mga Pilipino kung saan 78 porsyento ang Katoliko na bumubuo ng populasyon sa Pilipinas.

Hindi dapat isaalang-alang lamang ang relihiyon sa paghawak sa isang relasyon lalo na kung puno na lamang ito ng sakitan. Masaklap pa kung mayroong anak na maaaring higit na maapektuhan sa away mag-asawa.

Para sa kaalaman ng lahat, maituturing pa rin namang sagrado ang kasal kahit pa isabatas ang diborsyo sa Pilipinas. Maaari pa namang magpakasal sa simbahan ang babae at lalaki kahit na gawing legal ang diborsyo. 

Naniniwala si Senadora Risa Hontiveros, may-akda ng Senate Bill 147 o Dissolution of Marriage Act, na ang diborsyo ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon para sa mga taong hindi na nararanasang mahalin, hindi na nararamdaman na sila ay ligtas, at hindi na masaya sa kanilang buhay may-asawa.

Sa panahon ng mga Amerikano, umiral ang absolute divorce sa Pilipinas sa pamamagitan ng Act No. 2710 na naging batas noong 1917. Na-repeal ito noong panahon ng Hapon noong 1943. Taong 1950, pinagtibay ang Republic Act No. 386 o ang Civil Code na nagbigay-daan lamang sa legal separation at hindi absolute divorce.

Isang legal na pagwawakas ng kasal sa pamamagitan ng hukuman ang diborsyo kung saan nagbibigay-daan ito sa mga dating mag-asawa na muling magpakasal kung ninanais nila. Ayon sa Kongreso, layunin ng batas na ito na magbigay ng legal na lunas para sa mga “irreparably broken marriages” upang protektahan ang mga anak mula sa emosyonal na hirap ng alitan ng kanilang mga magulang. 

Ang proseso ng diborsyo ay karaniwang tumatagal ng anim hanggang labindalawang buwan depende sa sitwasyon. Maaaring mag-file ng diborsyo ang sinumang may kumpletong dokumento at abogado. Gayunpaman, hindi ito madaling makuha ng kahit sino. Mayroong mga ligal na batayan bago isakatuparan ang diborsyo kung kaya’t kailangang dumaan ito sa masusing pagsusuri ng korte. Ang grounds para sa absolute divorce ay katulad ng ‘legal separation’ sa ilalim ng Family Code ng Pilipinas, kabilang na ang pisikal na karahasan, drug addiction, alcoholism, chronic gambling, homosexuality, marital infidelity, sexually transmissible diseases, at abandonment.

Sa Pilipinas, ligal naman ang ‘annulment’ o pagsasawalang-bisa ng kasal na para bang hindi ito nangyari—parang bumalik ang oras sa panahong hindi pa kasal ang mag-asawa ngunit mas komplikado at mas matagal ang proseso nito kumpara sa diborsyo. Samantala, sa diborsyo naman, kahit natapos na ang kasal, mayroon pa rin itong records na nagpapatunay na naganap ang nasabing kasal. 

Hindi kailangang magkaroon ng divorce law para magdesisyon ang isang lalaki o babae na iwan ang isang masalimuot na relasyon. Dahil, kung ating titingnan sa ating lipunan ngayon, kahit hindi pa man kasal o magkasintahan pa lamang ay humahantong na sa hiwalayan. 

Ngunit hindi maikakaila na mahalaga pa rin ang divorce law para sa mga taong nais ng ligal na proseso upang tuluyan nang matapos ang kanilang pagsasama—hindi ito pagtakas sa obligasyon ng pamilya, kundi isang legal na paraan upang makalaya mula sa isang relasyon na puno ng sakit at problema.

Isang paraan ang diborsyo upang bigyan ng pagkakataon na makapagsimula muli at magkaroon ng kalayaan ang mga taong nagtitiis na lamang sa ‘toxic’ na relasyon. Hindi ito isang fairy tale na may masayang wakas, kundi isang reyalidad na kailangang harapin ng mga taong nasasadlak sa hindi na maayos na pagsasama. Tulad ni Lily na nahanap ang kalayaan matapos makaalpas sa mga mapang-abusong kamay ni Ryle, ang lalaking minsan nang nangako sa kaniya ng kapayapaan at kaligayahan—sa hirap man o ginhawa. 

Ang divorce ay hindi solusyon para sa lahat, ngunit para sa mga nangangailangan nito, ito ang pintuan patungo sa bagong pag-asa at kalayaan. Kung hindi man para sayo ang divorce, bakit kailangan mo itong ipagkait sa mas nangangailangan? I Alliah Jane Babila

Share