1st Tahong Festival sa Bicol, naging makulay ang selebrasyon 

Sa isang maliit na barangay sa west coast ng Sorsogon City kung saan pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay, umusbong ang isang industriya na kaakibat ang kalikasan at karagatan—ang kayamanan ng tahong sa Brgy. Pamurayan. 

Upang ipagbunyi ang yamang-dagat na ito, inilunsad ng Brgy. Pamurayan ang kauna-unahang Tahong Festival, hindi lamang sa Sorsogon, kung hindi sa buong rehiyon ng Bicol nitong Mayo 29. 

“And then dito po sa buong Bicol region, wala po akong nakitang nag-celebrate, naglaunch ng Tahong Festival. Kaya ito po sa buong Bicol region, tanging Brgy. Pamurayan ang nag-celebrate ng Tahong Festival sa pagkakaalam ko,” saad ni Arles Janaban, ang punong barangay ng Pamurayan sa panayam ng BicoldotPH. 

Pebrero 29 ngayong taon nang magsimulang maghanda ang barangay para sa festival. Mula sa pagkuha ng mga kawayan na gagamitin sa pagtatanim ng mga tahong hanggang sa anihin ito makaraan ang ilang buwan. 

Isa sa mga naging highlight ng selebrasyon ay ang pagluluto ng mga residente ng 18 na putahe gamit ang mga inaning tahong na aabot sa 2,000 kilograms. Matapos lutuin ang mga tahong, inilatag naman ito para sa 450 metrong boodle fight na personal na dinaluhan ni Department of Tourism Bicol Regional Director Herbie Aguas at mga bisita mula sa Mindanao, Cebu at Metro Manila. 

“Marami talagang tahong dito sa Sorsogon Bay, lalo na sa west coast ng Sorsogon City. Pero sabi ko nga eh mayroon naman kaming tahong…talagang i-try namin…industry ng tahong. Nangyari naman po. Pero hindi ko naman po inaangkin kasi meron namang tahong sa ibang barangay. Pero kami ang nagsubok [na ilunsad ang Tahong Festival] which is naging okay naman,” dagdag ni Janaban.  

Matapos ang matagumpay na paglulunsad ng festival, nagbunga ito ng koordinasyon sa mga mangingisda ng Brgy. Pamurayan. Ani Janaban, nagkaroon ng pagtitipon ang mga mangingisda at barangay nang makita ang magandang dulot ng Tahong Festival na maaaring maging daan upang palaguin ang industriya ng tahong sa kanilang lugar. 

Samantala, nagkaroon naman ng pag-uusap ang mga opisyales ng Brgy. Pamurayan at Brgy. Cambulaga na isa sa may pinakamalaking tahongan sa Sorsogon City para sa kanilang pagtutulungan upang palaguin pa ang industriya ng tahong. 

Isa ang Navotas City at Bacoor sa mga supplier ng tahong ngunit sinabi ni Janaban na nakapasok na ang Sorsogon City sa merkado matapos tumaas ang demand ng tahong. Bukod rito, hindi lamang ang laman ng tahong ang binigyang pansin ng Brgy. Pamurayan kung hindi pati na rin ang mga shells nito kung saan nakagawa sila ng iba’t ibang produktong pampalamuti katulad ng flower vase, bulaklak at ashtray. Mithiin din ni Janaban na gawing doble ang dami ng mga lulutuing tahong sa susunod na selebrasyon. 

“Gusto rin namin ma-encourage ang ibang industry, for example sa coast west ng Sorsogon City. Sabi nga although kami ang kauna-unahang nag-launch ng Tahong Festival sa Sorsogon City, eh, nakaka-proud, kasi proud Sorsoganon kita,” sabi ni Janaban. I Nicole Frilles

IMG 9596
IMG 9594
IMG 9595
Share