Mirisbiris: Ang yaman ng tayabak sa Albay

Marami ang nabibighani sa gandang taglay ng tayabak o jade vines at isa ang rehiyon ng Bicol sa natural na tahanan nito. Sa Albay, mayroong isang hardin na nangangalaga ng mga jade vines—ang Mirisbiris Garden and Nature Center na halos nasa sampung taon ng tourist attraction sa lugar.

Isa sa mga tinatagong yaman ng Pilipinas ang jade vines na endemic o dito lamang sa bansa natural na tumutubo. Tinawag itong jade vines dahil sa kulay ng mga bulaklak nito na saklaw ng blue-green hanggang mint-green at kahawig ng mga minerals tulad ng turquoise at jade. Ito ay karaniwang nabubuhay sa kakahuyan na malapit sa daluyan ng tubig.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang tayabak ay tampok sa limang pisong barya ng Pilipinas kung saan sinasalamin nito ang katatagan ng mga Pilipino sa kabila ng paghihirap.

Matatagpuan ang Mirisbiris Garden and Nature Center sa Brgy. Salvacion, Santo Domingo, Albay na pagmamay-ari ng mag-asawang Newhall na sina Glenda na tubong Naga at Christopher na isang geologist at world-renowned volcanologist na tubong US.

“Chris’s mother is an amateur horticulturist at alam na alam niya ang mga pangalan ng mga plants so doon ko natutunan [at mas na-improve ang hilig sa gardening] kaya dream na namin na pagbalik namin sa Pilipinas ay magkaroon din kami ng garden. ‘Di lang namin akalain na magiging ganito kalaki,” salaysay ni Glenda.

Maliban sa sariwa at preskong hangin, matayog at luntiang kakahuyan, kamangha-manghang tanawin at sariling beach, ipinagmamalaki rin ng lugar ang kanilang koleksyon ng mga halamang gamot kabilang na rin ang tayabak.

Samantala, sa likod ng kagandahang ito, kasalukuyang nanganganib sa pagkaubos ang tayabak matapos ideklarang “‘endangered” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahilan na rin ng paunti-unting pagkakalbo ng kagubatan.

Taong 2015 nang magsimulang magtanim si Glenda ng tayabak sa pamamagitan lamang ng isang piraso nito na binili mula sa Panicuason. Sa paghahangad na makatulong sa pagpaparami ng mga ito, sinikap niyang pagtuunan ng pansin ang nasabing halaman. Ngayong kabuwanan ng jade vines, masaya ang mag-asawa na masilayang natutuwa ang kanilang mga bisita sa tuwing nakikita ang ganda ng tayabak kung saan taong 2018 pa umano nang huli itong makitang namulaklak.

“Bihira na ‘yan kasi wala nang forest…may nursery (na bahagi ng hardin kung saan binubuhay ang mga bagong tubong halaman) kami at horticulturist who take cares of this [kung kaya’t may katulong ako sa pagbuhay at pagpaparami ng jade vine],” dagdag ni Glenda.

Pagkagalak naman ang naramdaman ni Jonathan Hollon, ang co-founder ng Albay na Botanik Art + Nature na isang accessory business, matapos madiskubre na mayroong jade vine sa lugar habang siya ay naglilibot-libot sa Mirisbiris Garden and Nature Center.

“’Yong business partner ko ang nag introduce sa akin ng tayabak as well as the Mirisbiris…We basically don’t know (na may jade vine sa Mirisbiris). Nalaman namin no’ng nakapunta na kami,” saad ni Hollon.

Bagama’t aminado si Hollon sa taglay na ganda ng tayabak, hangad din umano nya na hindi lamang jade vines ang mabigyang pansin at halaga ng mga tao.

“Botanik aims to introduce different types of flowers…I know tayabak is hot right now. Sikat at pinaguusapan…hopefully, ‘di lang jade vine ang magkaroon ng spotlight [kasi it’s] only one species from a very diverse flora that we have,” pahayag ni Hollon. “Amazing, ‘di ba? lalo na siguro kung first time mo makakita (ng tayabak) knowing na nasa likod siya ng limang piso natin. Mirisbiris ang isa sa favorite ko na lugar dito sa Albay.”

Maliban sa tayabak, tinatayang mahigit 1,000 na species ng pinaghalong halaman at puno ang matatagpuan sa Mirisbiris Garden and Nature Center. Ipinagmamalaki at tinuturing ding kalamangan ng lugar na ito ang kanilang paraan ng pamumuhay gamit ang natural at environment friendly na proseso.

“We’ve always been in a sustainable living. Kaya it is very natural kasi by needs. Dito wala masyadong tubig so it was natural na mag-harvest kami ng water from the rain. Part of the plan for this building was maglagay sa ilalim ng [imbakan ng tubig] so that [we’ll have the source of water],”ani Glenda.

Ang tubig na naiipon mula sa ulan ay dumadaan sa isang makinarya na siya namang dadaloy patungong banyo at kusina upang magamit. Ang enerhiya mula sa init o solar energy din ang nagbibigay kuryente at nagpapatakbo sa ilang appliances ng hardin.

Iskolar ng Mirisbiris

Samantala, aminado si Christopher na wala sa pagkatao nila ang pagiging business-minded at ang pangunahing mithiin lamang umano ng pagpapatayo ng Mirisbiris Garden and Nature Center ay magkaroon ng pagkukunan ng pondo para sa kanilang dumarami at nagsisipagtapos na scholars mula sa lugar.

Nagsimula ang Mirisbiris Garden and Nature Center bilang retirement project na may hangaring magbigay-balik sa mga komunidad ng Bicol sa paraan ng pagtuturo ng environmental education o pagpapahalaga sa kalikasan. Ngunit nabago umano ito matapos mapagtanto na salat sa mismong edukasyon at kaalaman sa pagbabasa ang Brgy. Salvacion na siyang nagtulak sa mag-asawa na maging tulay sa kakulangang ito. 

“Before we came (bumalik) here sa Bicol, mayroon na kaming tinutulungan na mga estudyante pero isa o dalawa lang. When we came back here on 2005, nakita namin there were only about [less than 10] yung mga nagco-college dito sa Salvacion…so nagsimula na (ang pagtulong). At recent, we have 52 students that are being supported by Mirisbiris Garden and Nature Center,” dagdag ni Glenda.

Isa namang biyaya para kay Percila Bañadera, 23 at isa sa mga naunang scholars ng Mirisbiris Garden and Nature Center, ang mapabilang sa mga natulungang makapagtapos ng mag-asawa. Kuwento ni Bañadera, napilitan siyang huminto sa pag-aaral matapos maka-graduate ng senior high school noong 2018 bunga ng kahirapan. Bagay na nag udyok sa kaniya na mamasukang kitchen staff sa Mirisbiris Garden and Nature Center matapos makumbinsi ng kaniyang kamag-anak.

“After working for a year, they asked me if I wanted to go back to school and I said, ‘yes’. They offered me a scholarship and allowed me to pay for tuition fees. I was thankful for the opportunity since it helped me get back on my feet after some traumatic events in my life,” pahayag ni Bañadera.

Taong 2023 nang makapagtapos ng kolehiyo si Bañadera sa Mariners Polytechnic College of Legazpi sa kursong Bachelor of Science in Hospitality Management. Bagaman malaya siyang tahakin ang ibang daan, pinili niyang manatili at magtrabaho sa Mirisbiris Garden and Nature bilang kitchen staff. Sa ngayon, labis ang pasasalamat nito sa mag-asawang Newhall sapagkat nagkaroon umano siya ng lakas ng loob na magtiwala sa kaniyang sarili.

Samantala, matatagpuan naman sa Mirisbiris beach ang tinatawag na ‘Pillow Lava’ na mala-ulap ang hugis na natatagpuan sa tabing dagat. Sa unang sulyap ay hindi aakalaing may malalim at espesyal na pinagmulan ang batong ito.

“Wherever we see Pillow Lava we know it was lava erupted under the sea…The other part of the story here is that they have nothing to do with Mayon. In fact, they weren’t even formed here in Bicol at all. They were erupted more or less 140 million years ago in the southern hemisphere so it’s thousands of kilometers away from here…the [reason of it being in here] is plate tectonics,” saad ni Christopher.

Katulad ng jade vines, nanatiling likas na yaman ng Sto. Domingo ang Mirisbiris Garden and Nature. Nakabibighani man sa unang tingin ngunit kinakailangang mas makita pa ito nang malaliman upang mas matunghayan ang kagila-gilalas na pagkakakilanlan nito.

Ang layunin ng mag-asawang Newhall na magbigay-tulong sa mga nangangailangan ang isa rason kung bakit masagana ang Mirisbiris Garden and Nature bukod sa mga kakaibang tanawin dito. Kung ano ang kinaganda ng bawat bulaklak na namumukadkad sa kanilang hardin katulad ng Jade Vine ay iyon namang mas ikinaganda pa ng kanilang misyon sa bawat kabataan. I Gabb Bajaro, Melojane Guiriña, Neffateri Dela Cruz

IMG 8551
IMG 8547
IMG 8558
IMG 8556
IMG 8559
IMG 8552
Share