Para sa Makatang Taga-Labo, Hindi Dapat Mamatay ang Balagtasan sa mga Susunod na Henerasyon

Sa inisyatiba ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na muling buhayin ang sining ng balagtasan sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang makabagong kompetisyon na tinawag na “Baraptasan” – isang salitang hango sa pinagsamang ‘balagtasan’ at ‘rap,’ ipinahayag ng isang kilalang manunulat mula sa Labo, Camarines Norte na si Angel Yasis Jr. ang kahalagahan ng pagpapanatili ng tradisyonal na sining na ito para sa mga susunod na henerasyon. 

Bagaman ito ay isang bagong konsepto sa larangan ng panitikan, naniniwala si Yasis na mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw at sapat na mga pamantayan para sa nasabing kompetisyon.

Nitong ika-6 ng Abril, hindi lamang ang kahusayan sa balagtasan ang ipinamalas ng kaniyang grupong Harayasista mula sa Labo, kundi pati na rin ang kanilang talento sa pagrarap sa unang kompetisyon ng Baraptasan na inorganisa ng CCP. 

Bilang isang coach, sinabi ni Yasis na ang pagiging finalist ng kanilang grupo at ang pagkakamit ng ikatlong puwesto ay malaking tagumpay na, lalo na’t binubuo ang grupo ng mga baguhan sa larangan na sina John Earnest Evidor (Baraptasero 1), isang guro sa pribadong paaralan; Amynel Garino (Baraptasero 2), isang mag-aaral sa senior high school; at Louie Leaño Francia, isang guro sa pampublikong paaralan, bilang lakandiwa.

Sa kabila ng pagiging bukas sa pag-unlad ng balagtasan patungo sa baraptasan, ipinahayag ni Yasis ang kanyang pagkadismaya sa ilang aspekto ng paggamit ng fliptop, na kadalasang nagtatampok ng paghamak sa kapwa bilang paraan ng pagtatalo. 

“Bullying ang fliptop, hahamakin mo ang kapwa mo, kapag magaling ka manghamak ng kapwa mo panalo ka. Kaya ako ay nalulungkot . . . dapat mapag-usapan kung ano ang dapat na pamantayan,” pahayag ni Yasis.

“Kasama rin ang panitikan sa pag-unlad, wala naman akong tutol sa pag-unlad ng balagtasan patungkol sa baraptasan, subalit ang gusto ko lang mangyare huwag naman kalimutan ang balagtasan kase ‘yan ang ating ugat, kapag ang ugat ang namatay, patay pati ang talbos,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng balagtasan bilang isang pormal at respetadong paraan ng pagtatalo na sumusunod sa sukat at tugma, at hindi gumagamit ng bulagsak na pananalita. 

Sa huli, ang hangarin ni Yasis ay hindi lamang ang pagpapanatili ng balagtasan bilang isang sining kundi pati na rin ang pagtiyak na ito ay patuloy na magiging isang positibong impluwensya sa kabataan, sa halip na maging daan para sa bullying at negatibong pag-uugali. | Jeric Lopez

IMG 8188
IMG 8189

Photos: Museo Bulawan/Aimee Evidor/ James Son Dela Cruz

Share