Hinikayat ng PhilHealth Bicol ang mga albayano na maging aktibong miyembro ng PhilHealth at magparehistro sa ‘Konsulta (Konsultasyon Sulit at Tama) Program’ upang maka-avail ng mas pinalawak at bagong benepisyo na tiyak na makakatulong sa kanilang gastusin pangkalusugan.
Sa isang press conference nitong Abril 5 sa Legazpi City, muling ibinahagi ni acting PhilHealth Vice President Alberto Manduriao ang dagdag na 30% sa halos lahat ng enhanced benefit packages ng PhilHealth na nagsimula nitong Pebrero 14, 2024.
Kabilang dito ang sakit na high-risk pneumonia na dati ay may package benefit na P32,000 at ngayon ay P90,100. Ang hemorrhagic stroke, na mula P38,000 ay naging P80,000, habang ang ischemic stroke benefit package ay mula P28,000 at ngayon ay nasa P76,000 na.
Bukod rito, mayroon ding mga bagong benefit package ang PhilHealth tulad ng outpatient therapeutic care benefit package para sa severe acute malnutrition ng mga batang 5 taong gulang pababa, Physical Medicine and Rehabilitation Benefits, ST-Elevation Myocardial Infarction (STEMI), at Emergency Care.
Mariing hinikayat ni Darlene Nuyles, Chief Social Insurance Officer ng Local Health Insurance of Albay ang bawat isa na tangkilikin ang mga programa ng Philhealth dahil sa mga benepisyong hatid nito.
“Ine-encourage po namin, lahat po tayo (mga Albayano), magpa-register sa isang [verified] consultant provider (hospital) dahil kahit ilang beses niyo naisin bumisita o magpakonsulta, pwede lalo na ang mga senior citizen, libre po ang medicines, ” saad ni Nuyles.
Gayunpaman, sinabi ni Manduriao na ang adjustment on health benefits ay hindi maisasagawa kung walang sapat na pondo ang ahensya para dito, kaya naman iginiit ang pagtaas ng premium contribution rate ng ‘‘five percent’ ngayong taon.
“With all the PhilHealth plans [to make] the enhancement, there is a need to generate more funds to sustain this positive form. That’s why we are encouraging all the PhilHealth members to pay their premium contribution,…because what we are collecting now is not for the present, it is for the future of our children,” saad ni Manduriao.
Nilinaw rin niya na ang pagtaas ng premium rate adjustment mula 4% to 5% ay mandato o nakasaad sa section 10 ng Republic Act 11223 of 2019 o ng Universal Health Care (UHC) law ng bansa.
Sa Bicol region, mayroon ng 114 accredited consultant providers ang PhilHealth, ang 29 rito ay matatagpuan sa probinsya ng Albay. | Gabby Bajaro, Melojane Guiriña