Albayanos, ginunita ang ika-450 taon ng pagkakakilanlan ng Albay

Bilang bahagi ng pormal na pagdiriwang ng ika-450 taon ng pagkakakilanlan ng Albay, isang maikling seremonya para sa ‘Albay Day’ ang isinagawa sa tapat ng Legazpi City provincial hall sa Peñaranda Park nitong Miyerkules, Abril 3.

Nagsilbing highlight ng aktibidad ang pagsasalaysay ng isang local historian na si Kurt Zepeto ukol sa pinagmulan at kwento ng Albay na kinapulutan ng bagong kaalaman ng mga dumalo. 

Layunin din nitong ibahagi sa mga Albayano ang kahalagahan ng pag-alala at pagbibigay importansya sa pinagmulan at pagkakakilanlan ng lugar. 

Aminado ang gobernador ng Albay na si Edcel “Grex” Lagman na hindi sapat ang kaalaman ng mga Albayano hinggil sa tunay at kumpletong selebrasyon sa nakaraan ng probinsya.

“We will make sure kasama ang DepEd to educate our children what Albay Day is all about,” pahayag ni Lagman. “Iyan ang gusto ko sanang mangyari na kung maaari ay magkaroon ng parte sa kanilang curriculum itong Albay Day kasi [hindi pa talaga ito masyado] nasa consciousness ng mga ordinaryong Albayano,” dagdag pa nito.

Ipinagmalaki naman ni Konsehal Bobby Cristobal ang probinsya dahil sa katatagan at natatangi ito mula sa mga karatig na lugar na naaayon sa historical records.

“The richness in its own historical depth makes Albay a blessed province… From faith, culture and arts, to food, to scenic destinations, to all its hospitable and resilient people and the institutions contributing to its remarkable growth and development, Albay is indeed an opportunity by its own birthright,” saad ni Cristobal sa kaniyang mensahe

Taon 2018 pa ang huling disenteng selebrasyon ng Albay Day. Tiniyak ni Lagman na mas pagbubutihin at gagawing mas organisado umano sa susunod na taon ang paggunita rito. 

“Next year, asahan po ninyo na this will be a far (and) better celebration, far more beautiful and far more meaningful,” ani Lagman. | Gabby Bajaro

Share