Puspusan na ang preparasyon ng Department of Education (DepEd) V para sa taunang Palarong Bicol na gaganapin sa Legazpi City ngayong taon dahil sa inaasahang mahigit 6,000 na atletang lalahok mula sa iba’t ibang eskwelahan sa rehiyon.
Katuwang ng ahensya ang mga kinatawan ng probinsya ng Albay sa paghahanda ng Palarong Bicol na nakatakdang ganapin sa Abril 27 hanggang Mayo 4.
Sa press conference na ginanap nitong Marso 27, sinabi ni Francisco Dexter Sison, ang division sport coordinator, na kasalukuyan nang nasa proseso ng pagsasaayos ang ilang mga paaralan sa Legazpi City na siyang gagamitin para sa nasabing aktibidad.
“Sa ngayon po, ‘yong Legazpi City had already conducted an inspection to all billeting schools…Magdadagdag po kami doon sa mga building schools ng mga toilets and inaayos na po ‘yong mga water facility (at) ‘yong electrical,” saad ni Sison.
Siniguro naman ni DepEd Regional Director Gilbert Sadsad na matutugunan ang ilang mga personal na pangangailangan ng mga atleta katulad ng sapat na tubig at kaligtasan.
“As what presented [kanina] ay inaayos na ang mga lines ng facilities about water. But we will also request sa city na if possible, ‘yong mga fire trucks natin, laging mag-ready ng water to distribute to the quarters na pwedeng mag-support sa distribution of water,” pahayag ni Sadsad.
Tiniyak ni Sadsad ang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at mga opisyales ng barangay upang mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng mga manlalaro at coaches nito dahil na rin sa banta ng El Niño.
Tinatayang nasa P3M ang nakalaang pondo para sa Palarong Bicol kabilang ang mga t-shirt, venue, pagkain, sport supplies at iba pang kakailanganin ng mga kalahok.
Samantala, binigyang diin naman ni Engr. Ronald Asis, education support services division chief, ang kahalagahan ng Palarong Bicol sa mga kabataan.
“Eto kasing Palarong Bicol is beyond sports. There are so many values na nade-develop natin sa ating mga bata…‘Di lang naman ito para sa mga medals…we are developing the pupils and the students holistically. ‘Di lang dapat makabasa, bumilang. (Dapat) magaling din sa sports at mayroong magagandang pagpapahalaga at paguugali,” mensahe ni Asis.
Kasalukuyan nang nagsisimula ang ilang aktibidad kabilang ang interview at pre-selection sa mga atleta para sa opisyal na talaan ng mga kalahok. | Gabby Bajaro, Melojane Guiriña