Nabueñong estudyante, pasok sa isang int’l math competition

Pasok sa World International Math Olympiad (WIMO) ang 10-anyos na mag-aaral na si Kiefer Maverick Pasion mula sa Nabua Central Pilot School sa Camaries Sur, matapos mapabilang sa mga nakasungkit ng gintong parangal sa Guandong-Hong Kong-Macao Greater Bay area Mathematical Olympiad (Big Bay Bei) 2024 finals. 

Online naman ang ginamit na midyum para sa nasabing kompetisyon na ginanap nitong Lunes, Marso 25, kung saan nasungkit ni Pasion ang ika-limang pwesto sa buong Pilipinas laban sa higit 15 na mga kalahok. 

Ayon kay Pasion, naging maganda ang kaniyang naging karanasan sa kompetisyon lalo na’t isang karangalan na i-representa ang Pilipinas bilang isang math athlete.

Ngunit, naging hamon umano sa kaniya ang problema sa internet connection sa kalagitnaan ng kompetisyon kung kaya’t hindi na umano siya umasa pa na makakasungkit ng ginto. 

“Medyo hindi na po kami nag-expect sa results kasi po pawala-wala [ang] internet connection ko po during the competition [pero] very happy po noong nakita ko po ‘yong results na nakagold po ako sa competition,” saad ni Pasion. 

Naging hamon din kay Pasion ang pagbabalanse ng kaniyang oras dahil nag-eensayo rin siya sa press conference competition bilang isang feature writer. Bukod dito, isa rin siyang supreme elementary learner government (SELG) vice president sa kanilang paaralan. 

Sa kasalukuyan, mayroon pang mga math kompetisyon na pinaghahandaan si Pasion tulad ng Philippine Mathematical Olympiad (PHIMO) 2024 sa Abril 14, Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO) Final Round na gaganapin naman sa Abril 28, at ang Hong Kong International Mathematical Olympiad (HIMO) sa Mayo 26.   

Samantala, ang WIMO ay ang final round o ang battle of the golds na gaganapin sa Shenzhen China sa January 2025.

Ang Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area Mathematical Olympiad (Big Bay Bei) ay isang taunang internasyonal na kompetisyon sa Olympiad na inorganisa ng Olympiad Champion Education Center (OCEC) mula sa Hong Kong. | Alliah Jane Babila

IMG 7889
IMG 7891
IMG 7888

Photos : Russel Joy Pasion

Share