67-anyos na lolo, finisher ng Albay 100km UM 2024

Matagumpay na naabot ng 67-anyos na si Wilmor Plopinio na tubong Camarines Sur ang finish line sa katatapos lang na Albay 100 kilometer ultramarathon (UM) 2024 nitong Marso 8.

Hinangaan ng mga tagasubaybay ng UM ang dedikasyon ni Plopinio o kilala bilang “Sir Plops” na isang retiradong jail superintendent at dean na ngayon ng College of Criminal Justice Education ng Pili Capital College Inc. sa Camarines Sur.

Ito na ang pang-labinlimang ultramarathon na nilahukan ni Plopinio. Sa katunayan, ang pinakamahabang kilometro na kaniyang tinakbo ay noong Enero 2023 na may 129km sa Mt. Isarog na may ikot na 360 degrees.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Plopinio kung paano siya naghanda para naman sa Albay UM 2024. 

“Eighteen weeks ang training ng UM.. at least five days [per] week, takbong short distance ka sa patag na kalsada, minsan uproad o downroad, rolling road (kapag) weekends, long distance run from 4-8 hrs. Last two days, complete rest, no more physical activity. Last one day, stay in bed, need more sleep [para sa] preparation sa mahabang puyatan, ” saad ni Plopinio. 

Ayon pa sa kaniya, mahalaga ang magsuot ng komportable na damit na pangtakbo at magdala ng inuming mayaman sa potassium. 

“[Ang] goal ko [ay] to finish the race no matter what it takes, we are [confident] because we train in rain or under heat. There [are] sufferings in every success. It applies not only [to] running. To me, running is a therapist of stress,” dagdag niya.

Kasama ni Plopinio sa UM ang ilang miyembro ng organisasyong kinabibilangan niya na Caceres Runners Club at Team Rapak. 

Mensahe ni Plopinio para sa mga kapwa senior citizen na running enthusiasts at kabataan na ituloy lang ang pagtakbo at pag-ehersisyo kung walang sakit.

 “Ipinanganak tayo para gumalaw, pagkatapos ay patuloy na gumagalaw (at) mag-ehersisyo para maalis ang toxic sa iyong katawan. Ang anumang uri ng tamang ehersisyo ay mabuti para sa iyong kalusugan,” saad ni Plopinio. 

Ang marathon ay nagsimula sa Tabaco City Plaza at umikot sa paanan ng Mt. Mayon.| Melojane Guirina

Photos: Wilmor Plopinio

Share