9-anyos na miyembro ng LGBTQIA+, bida sa isang DLC competition 

Kinaaliwan ng mga manonood ang 9-anyos na si Rvince Faustino ng Pio Duran, Albay matapos na magbigay ng kulay, kakaibang sigla at talento bilang isa sa mga majorette sa ginanap na Drum and Lyre Corps (DLC) competition sa nasabing lugar nitong Lunes, Marso 11.

 Si Rvince Faustino ay tubong Brgy. 3, Pio Duran, Albay at grade 4 student sa Don Jose Pavia Central School (DJPCS).

 Ayon sa bata, maliit pa lamang siya ay pinangarap niya nang maging bahagi at mapabilang sa ganitong uri ng kompetisyon. Para kay Rvince, malaking bahagi ito sa pagbuo ng kaniyang kumpiyansa sa sarili. 

“Nagpapasalamat po ako sa tita ko po at sa mama ko dahil pinasali po [nila ako] sa majorette. Masaya po ako na nakasali ako rito,” saad ni Rvince. 

 Kwento ng kanyang ina na si Rowena Faustino, bago pa sumalang si Rvince sa kompetisyon, taos-puso na itong nagpapasalamat sa Panginoon na natupad na ang isa sa mga pangarap niyang makasali sa ganitong uri ng patimpalak, gayong hindi ito karaniwan sa mata ng mga tao. 

“Sobra po akong proud kasi laging siya ang [binabanggit] doon pa lang sa mga ka-banda niya na si Rvince ang nagpa-panalo sa kompetisyon, kaya sobrang nakakatuwa na buong puso siyang tinanggap ng mga tao,” saad ng nanay nito.

Para sa guro ni Rvince na si Katrina Joyce Bronzal, naging malaki ang bahagi ni Rvince at ng kasama nitong isa ring bahagi ng LGBTQ community sa naganap na kompetisyon. Aniya, nakakatuwa umano na sa pamamagitan nito ay naipapakita ang gender equality sa mga batang katulad nila sa lipunan.

“Ipinapakita natin na hindi naman batayan ang kasarian sa pagsali sa kung ano-ano basta maipakita ‘yong talent kung mayroon, binibigyang pagkakataon natin ‘yong mga bata,” saad ni Bronzal. 

Mensahe naman ni Rvince sa mga batang nahihiyang ipakita ang kanilang natatagong kakayahan sa sarili na huwag silang matakot na ipakita ang kanilang galing basta’t gawin lamang nila ang kanilang best sa lahat ng bagay.

Ang grupo ni Rvince na DJPCS Drum and Lyre Corps ang itinanghal na kampyeon sa elementary category ng nasabing kompetisyon at ang magpapatuloy para sa gaganaping DLC Competition sa Magayon Festival ngayong taon.| Lyzha Mae Agnote

Photo: MTCAO Pio Duran

Share