Mga sikat na pasyalan at trademarks ng rehiyong Bicol ang naging konsepto ng cake na ginawa at naipanalo ng 25-anyos na cake artist sa World Food Expo (WOFEX) Cake Creation Contest-Bicol Edition na ginanap sa Albay noong March 2.
Tampok sa cake na ginawa ni Phil Kenno Reyes mula sa San Francisco, Iriga City ang mga icons ng Bicol tulad ng butanding at colorful kayak sa Sorsogon, Mount Iriga at raflesia sa Iriga city, Antipolo century tree sa Baao Camarines Sur, Bulkang Mayon at Cagsawa sa Albay, mga isla at hindi mawawala ang sili na siyang kilalang trademark ng rehiyon.
Nakuha ni Reyes ang unang puwesto sa kompetisyon at nag-uwi ng P10,000 cash prize, sash at plaque. Katunggali niya ang lima (5) pang cake artists mula sa iba’t ibang lugar sa Bicol.
Ayon kay Reyes, easy sparkle ang ginamit na products sa kompetisyon at inabot siya ng apat (4) na araw para matapos ang cake, kasama na ang pagkuha niya ng pictures at videos. Ito rin ang unang beses niyang sumali sa patimpalak at hindi niya inaasahang siya ang mananalo.
“Laking gulat ko po na ako ang itinanghal na panalo [kasi] isang araw bago ang last submission ng creations namin, [doon palang] nakapag sumite ako. [Pero] sabi ko nga ay kahit hindi ako manalo, ma-idisplay ko lang ito ng maayos [doon sa Expo] ay ayos na ako,” saad ni Reyes.
Nagtapos ng kursong Education Major in Food Service Management si Reyes. Aniya, highschool palang ay nakahiligan niya na ang pagba-bake at kalaunan ay naging negosyo niya na rin ito.
Sa kasalukuyan, binabalak ni Reyes na sumabak pa sa ibang kompetisyon sa labas ng Bicol at mag-aral ng pastry and baking arts sa hinaharap upang mahasa pa ang kaniyang skills sa pag-bake. | Melojane Guirina
Photo: Phil Kenno Reyes