Mini library para sa mga PDLs, inilunsad sa Oas, Albay

Mahigit na 100 na librong pangkabuhayan at pang-edukasyon ang matagumpay na naibigay sa inilunsad na mini library para sa 23 persons deprive of liberty (PDLs) ng Oas Municipal Jail nitong Sabado, March 2.

Ayon kay Dr. Jeff Redillas Thomas, miyembro ng association at nanguna sa paglulunsad ng mini library, ito ang unang pagkakataong naglunsad sila ng library kung saan PDLs ang mga benepisyaryo.

“Ito ang unang paglulunsad ng ‘library ni Horton’ dati kasi ‘kariton ni Horton’ (na) donations naman para sa mga school, ” saad ni Thomas. 

“Ang purpose ng pagbibigay nito [library ni Horton] sa mga persons deprived of liberty is to let them feel that education never stops even though they are in jail,” dagdag pa nito. 

Ang nasabing library ay donasyon ng Alpha Phi Omega (APO) Oas Alumni Association mula sa Oas, Albay, bilang bahagi ng pagdiriwang nila ng ika-74th national anniversary ng kanilang samahan. Tinawag itong “Library ni Horton” na hango sa pangalan ng founder ng APO association. 

Maliban pa sa mga libro, nakatanggap din ang mga PDLs ng hygiene kit, pagkain, libreng gupit, at naturuan rin kung paano gumawa ng sabon bilang dagdag kaalaman sa aspeto ng pangkabuhayan. 

Ayon sa isa sa mga PDL, malaking bagay para sa kanila ang kanilang mga natanggap, lalo na ang mga kaalaman na makakatulong sa kanila kung sakali mang mabibigyan sila ng pagkakataong makalaya.

“Malaking bagay po ‘yong paggawa namin ng sabon na kung sakaling mabigyan ng pagkakataong makalaya, magawa po namin na business po ‘yon. At ‘yong library naman po, dito po kasi nas-stock po ang knowledge namin, ngayon mao-open up ulit ang isip namin sa mga bagay-bagay,” saad nito.

Nagpasalamat naman ang acting warden ng OAS Municipal Jail na si Jail Inspector Benjamin P. Bando dahil sa tulong na ipinaabot ng APO association sa mga PDLs. Aniya, malaking hakbang ito upang magkaroon sila ng mga kaalaman lalo na sa pangkabuhayan. | Melojane Guiriña

Photo: Oas Municipal Jail

Share