Bilang paggunita sa pambansang Buwan ng Sining, higit sa 3,000 artworks ang itinampok ng sari-saring artists sa nagdaang Laguna Arts Festival na ginanap sa isang mall sa Sta Rosa City, Laguna nitong buwan.
Ayon kay Lerma Julian, isa sa mga tagapagtatag ng pagtitipon, layunin ng okasyon na makatulong sa mga artists na makabangon mula sa pinsalang dulot ng pandemyang COVID-19 at ng digital era sa industriya ng likhang-sining.
Dagdag pa niya, pangarap ng bawat artist ang sumikat at makilala sa industriya ng sining, kung kaya nama’y nagagawa ng mga art festival na gaya ng kasalukuyan nilang ipinagdiriwang na mabigyan sila ng pagkakataon na maipakita ang kanilang galing at mas mapalawak ang kaalaman patungkol sa mga ito nang masira ang sistema na “art is for the elite.”
Tuwang-tuwa naman ang 67-years old na si Jun Rocha, isang artist mula sa Dasmariñas City, Cavite nang masold-out ang kanyang mga paintings sa loob lamang ng tatlong araw na naka-display ito sa naturang pagdiriwang.
Kwento ni Rocha, tatlong buyer ang pumakyaw ng nasa mahigit sampu niyang paintings na ang tema ay mga sakahan at mga magsasaka na ayon sa kanya ay dapat na ituring na bayani.
“It provides us everything, from rice, without them wala tayong makakain, although bread cannot live people alone so I just want to connect the importance of people who make a living through their hands, farming is a big help,” paliwanag ni Rocha.
Iilan lamang ang mga paintings ni Rocha sa mahigit 3,000 artworks na ibinida sa ikalawang taon ng nasabing selebrasyon.
Sa susunod na taon, ayon kay Julian, balak nilang mas palawakin pa ang pagdiriwang para mas marami pa silang matulungang mga artists at art enthusiasts. I Andrew Bernardo



Note: The above-written news article is penned by Andrew Bernardo, a former ABS-CBN Southern Tagalog Reporter based in Batangas. Bicoldotph is thrilled to welcome him back aboard as he brings a fresh perspective to our coverage of stories shaping Southern Luzon’s narrative.